Manila 3x3 hihirit ng iskor sa FIBA World Tour Masters
- BULGAR
- Oct 28, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 28, 2023

Mga laro ngayong Sabado – Abu Dhabi, UAE
11:10 p.m. Beijing vs. Manila Chooks
3:30 a.m. (Linggo) Partizan vs. Manila Chooks
Ito na ba ang huling hirit ng Manila Chooks? Sasalang ang numero unong koponang Pinoy sa 2023 FIBA3x3 World Tour Masters sa Abu Dhabi Corniche ngayong Sabado sa layunin na makapasok ang bansa sa Paris 2024 Olympics.
Bibitbitin ng Manila ang kumpiyansa na nakamit buhat sa magandang ipinakita sa Al Bidda Park Challenger sa Qatar noong nakaraang Linggo kung saan tinalo nila ang bigating Antwerp Top Desk ng Belgium sa overtime, 14-12 – maituturing na pinakamalaking resulta sa kasaysayan ng koponan. Nasa kamay nina Paul Desiderio, Dennis Santos, Marcus Hammonds at Tosh Sesay ang susi na maulit ang tagumpay laban sa iba pang bigating Partizan ng Serbia at Beijing ng Tsina sa Grupo D.
Unang haharapin ang Beijing sa 11:10 ng gabi, oras sa Pilipinas. Pangunahin dito ang paano pipigilan ang kanilang import Nauris Miezis subalit dapat tutukan din ang mga kakamping sina Zhu Songwei, Liu Lipeng at Liu Changjiang.
Babalik ang Manila sa korte para harapin ang Partizan sa 3:30 ng madaling araw ng Sabado. Binubuo ang Partizan nina Stefan Milivojevic, Stefan Torbica at Marko Stevanovic na kabilang sa Top 10 manlalaro ng kanilang bansa at Andreja Milutinovic.
Ang Abu Dhabi ang ika-14 ng 17 yugto ng 2023 World Tour at susundan ng Wuxi (Nobyembre 4), Manama (Nobyembre 16) at Hong Kong (Nobyembre 25) bago ang Grand Finals sa Jeddah sa Disyembre 8. Ang unang 12 koponan na may pinakaraming puntos ang maglalaro sa Jeddah at ang Beijing at Partizan ay ika-8 at ika-12 habang nasa ika-32 ang Manila sa tumatakbong pangkalahatang talaan. Kasalukuyang ika-30 ang Pilipinas sa FIBA3x3 World Ranking.








Comments