top of page
Search
  • BULGAR

Manggagawa, may panawagan sa gobyerno at employer sa gitna ng matinding init

@Editorial | Abril 9, 2024



Batay sa forecast ng State Weather Bureau, anim na lugar sa bansa ang posibleng makaranas ng mapanganib na heat index ngayong araw.


Maaari umanong maramdaman ang heat index na 44°C sa Aparri at Tuguegarao City.


Ang temperatura sa Puerto Princesa City, Palawan, at Dagupan City, Pangasinan ay magkakaroon naman ng heat index na 43°C, habang sa Laoag City, Ilocos Norte, at Daet, Camarines Norte, ay maaaring magkaroon ng heat index na 42°C.


Kaya nagbabala ang Department of Science and Technology (DOST) sa publiko na posibleng magkaroon ng heat stroke dahil sa patuloy na aktibidad na may mga heat index na mula 42-51°C.


Kaugnay nito, panawagan naman sa mga employer at gobyerno na maprotektahan ang mga manggagawa sa matinding init. 


Kasabay ang panawagan para sa expanded coverage ng labor department guidelines para sa mga hakbang tulad ng temperature control at water break.


Responsibilidad ng gobyerno at mga employer na tiyakin na ang mga manggagawa ay ligtas habang nagtatrabaho.


Una nang naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory No. 8 noong 2023 na nagrerekomenda ng mga hakbang upang matulungan ang mga manggagawa na harapin ang matinding init, kabilang ang pagpapahintulot sa damit na angkop sa temperatura at pagbibigay ng libre at sapat na inuming tubig; pagtiyak ng sapat na bentilasyon at heat insulation sa mga lugar ng trabaho at pagsasaayos ng mga oras ng pahinga o lokasyon ng trabaho.


Umaasa tayo na pakikinggan ang mga panawagan para rin sa kaligtasan ng lahat at sa maayos na sistema ng paggawa.


Bagama’t hindi natin mapipigilan ang matinding init, gamitin natin ang mga pamamaraan kung paano ito masasabayan sa paraang ‘di malalagay sa alanganin o panganib ang lahat.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page