top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Manggagawa at staff ng “It’s Showtime”, iabsuwelto sa ‘no work, no pay’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 2, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 02, 2023


Nanawagan tayo sa Office of the President na sana ay ikonsidera naman ang mga ‘no work, no pay’ na mga manggagawa ng “It’s Showtime” oras na makarating dito ang apela mula sa desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).


Nababahala tayo para sa mga manggagawa nang patawan ng 12-day airing suspension ang naturang noontime show noong nakaraang Agosto 17 dahil sa ilang paglabag umano sa panuntunan sa gitna ng show.


Nagsumite ng Motion for Reconsideration para sa programang “It’s Showtime” ang pamunuan ng ABS-CBN sa MTRCB kaugnay sa kanilang naging desisyon ngunit hindi ito naging matagumpay.


Sa inilabas kasing statement ng MTRCB nitong September 28 ay pinagtibay ng ahensya ang naging desisyon nito na isuspinde ang airing ng “It’s Showtime” sa loob ng 12 araw.


Hindi pa naman final at executory ang ipinataw na suspension ng MTRCB at habang isinusulat natin ang artikulong ito ay patuloy pa rin namang napapanood ang “It’s Showtime” sa ilang istasyon kabilang na ang GTV na pag-aari rin ng GMA.


Nag-ugat ang suspension sa sinasabi ng viewers na may kalaswaan umanong naganap sa pagitan ng ilang host sa ‘Isip Bata’ portion ng noontime show noong Hulyo 25 ng taong kasalukuyan.


Ayaw naman nating pakialaman ang merito ng kaso at hahayaan natin ang MTRCB na gawin ang kanilang trabaho at bigyan din natin ng pagkakataon ang pamunuan ng “It’s Showtime” na gawin ang mga hakbanging legal para maisaayos ang lahat.


Dapat kasing umiral din ang batas, at ang pangyayaring ito ay isang magandang halimbawa para maipakita sa taumbayan na walang sinisino ang batas at dapat managot kahit ano pa man ang kalagayan sa lipunan.


Kung titingnan natin ang paninindigan ng MTRCB ay tila wala nang makapipigil sa direksyong tinatahak ng kanilang desisyon kung hindi ang ipatupad ang suspensyon ngunit nasa Palasyo na ang mga susunod na kaganapan.


Wala tayong pakialam sa kahihinatnan ng usaping ito, ang pakiusap lang naman natin ay ikonsidera ang mga ‘no work, no pay’ na mga manggagawa ng “It’s Showtime” sakaling dumating ang panahong kailangan nang ipatupad ang 12-day suspension.


Malamang kasing hindi indahin ng mga artista ang ipapataw na suspensyon, at maaari pa itong maging break nila mula sa araw-araw na trabaho, pero ang mga manggagawa ay kung saan-saan maghahagilap para makakain lang.


Hindi biro ang 12 araw para sa mga manggagawa kung hindi kakayod ay walang susuwelduhin dahil halos kahalating buwan ito na sisinghap-singhap sila para maitawid ang sitwasyon.


Alam naman natin ang sitwasyon ng mga manggagawa na karamihan ay sadyang kinakapos dahil sa hindi makaya ang pang-araw-araw na gastusin. May ilan pa nga sa ating mga manggagawa na isinasangla pa ang ATM card dahil malayo pa ang suweldo.


Hindi rin naman lingid sa kaalaman ng lahat na kararaos lang natin sa pandemya na halos lahat ay nawalan ng kita at maging ang pag-aaral ng mga bata ay naapektuhan -- tapos ngayong unti-unti ay nakakabangon na ang ilan ay saka pa mangyayari ang ganito sa mga manggagawa ng naturang show.


Inuulit ko, isa lang naman ang ating inaalala, ang madamay ang mga manggagawa sa kaparusahan sa kasalanang hindi nila ginawa. Sana lang ay mapag-isipan ng kinauukulan ang kanilang magiging kalagayan na kung hindi magtatrabaho ay hindi kakain.


Isa pa sa inaalala natin ay papalapit na ang Pasko, huwag naman sanang sa mga panahong ito matapat ang pagpapatupad ng suspensyon nang hindi naikokonsidera ang kalagayan ng mga manggagawa dahil tiyak na dagdag-parusa ito sa mga nadamay lang sa sitwasyon.


Sabagay, may 15-day period pa naman na pinapayagang magsumite rin ng apela ang ABS-CBN at GMA sa tanggapan ng Pangulo at naniniwala tayo na hindi naman sasayangin ang pagkakataong ito ng mga television network.


At buo rin ang ating kumpiyansa na sakaling makarating sa Palasyo ang apelang kanilang isusumite at mare-review nang maayos ay naniniwala tayong iiral ang humanitarian considerations at sana ay maging maayos ang lahat.


Hindi ba’t may kasabihan tayo na, “Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.” Ganyang-ganyan ang sasapitin ng mga walang kamuwang-muwang na manggagawa sakaling hindi maikokonsidera ang kanilang sitwasyon sa panahon ng suspensyon.


Dapat ang kasalanan ni Juan ay hindi kasalanan ni Pedro!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page