Mandatory on-site reporting ng mga titser, dagdag-pahirap!
ni Ryan Sison - @Boses | April 23, 2022
Sa kabila ng pagpapatupad ng 100% on-site reporting ng mga titser para sa mga lugar na nasa Alert Level 1, kinukuwestiyon ng grupo ng mga guro ang pagpapabalik sa kanila sa paaralan, gayung nananatili ang mga problema sa blended learning.
Giit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), maraming guro ang nagkaproblema sa palpak na internet connection sa paaralan, habang ang mga nasa modular based ay maghapong nakatunganga sa silid-aralan.
Ang ilang titser, kinailangan pang magpa-load at sa corridor na lang nagklase para makasagap ng signal.
Kaya ang siste, dagdag-gastos para sa mga guro dahil bukod sa pagpapakabit ng internet para sa online learning, hindi na ito magamit ngayon at kailangan pang magpa-load para makapagturo online habang nasa eskuwelahan.
Bukod pa rito, inirereklamo rin ng unvaccinated teachers ang pag-oobliga sa kanilang magpa-COVID-19 test at personal nila itong sasagutin. Habang ang mga magpopositibo ay mamarkahang absent dahil hindi makakapag-report sa paaralan.
Dahil dito, iminungkahi sa DepEd na konsultahin muna ang mga guro bago maglabas ng mga kautusan.
Nauunawaan nating hindi madali ang mga pagbabago sa sistema ng edukasyon, pero sana, hindi maging dahilan ito upang lalong mahirapan ang ating mga guro.
Sa totoo lang, nakalulungkot isipin na kung kailan nasasanay na ang mga guro sa set-up ng kanilang trabaho, saka na naman magkakaroon ng pagbabago. Ang ending, imbes na mabawasan ang pasanin ng mga guro, lalo lang silang nahihirapan.
Nauunawaan natin ang kagustuhan ng mga kinauukulan na maibalik sa normal ang sitwasyon sa mga paaralan, pero bago ang lahat, unawain muna natin ang sitwasyon ng mga guro at hangga’t maaari, hinay-hinay tayo.
‘Wag nating kalimutan ang layunin na maitaguyod ang edukasyon sa gitna ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments