Mananaya ng drop balls at color games sa Baguio City, wa’ paki sa COVID-19?!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 05, 2020
MAS TIWALA ANG GOBYERNO SA MAINSTREAM MEDIA KAYSA SA MGA DDS BLOGGERS—Bago manalasa ang Typhoon “Rolly” ay nanawagan si Usec. Ric Jalad ng Office of Civil Defense (OCD) sa mainstream media na palaganapin ang pagbibigay-impormasyon sa publiko na maghanda dahil mapanganib ang bagyong ito, at kamakalawa naman ay nanawagan din si Sec. Menardo Guevarra ng DOJ sa mga kumpanya ng mga networks at pahayagan na tulungan sila sa kampanya ng gobyerno laban sa katiwalian.
Sa mga panawagang ‘yan nina Usec. Jalad at Sec. Guevarra ay pagpapatunay na mas malaki ang tiwala ng gobyerno sa mainstream media kaysa mga DDS bloggers, period!
◘◘◘
TOTOO ANG NEWS NG MAINSTREAM MEDIA, FAKE NEWS NAMAN ANG SA MGA DDS BLOGGERS—May punto sina Usec. Jalad at Sec. Guevarra na magtiwala sa mainstream media kaysa sa mga DDS bloggers.
Sa mainstream media ay totoo ang ibinabalita ng mga mamamahayag sa radyo, telebisyon at pahayagan, kumpara sa mga DDS bloggers na kadalasan ay fake news ang pinou-post sa social media, boom!
◘◘◘
DEPARTAMENTONG SANGKOT SA KATIWALIAN, PATI INTEL FUNDS, DAPAT LANG BAWASAN!—Nais ni ACT-CIS Rep. Eric Yap, House chairman committee on appropriation na bawasan ang budget ng mga departamento ng pamahalaan na nasasangkot sa katiwalian, at ang budget na ikakaltas dito ay ilaan pambili ng bakuna kontra COVID-19, at pati ang intelligence fund ng Customs ay nais din pabawasan ng kongresista, na ang ibabawas dito ay ilalaan sa modernisasyon ng ahensiya.
Dapat lang, kaysa sa mga buwaya, mamamayan at tanggapan ng pamahalaan ang dapat makinabang sa kaban ng bayan, period!
◘◘◘
DROP BALLS AT COLOR GAMES SA BAGUIO CITY, POSIBLENG PAGMULAN NG HAWAAN NG COVID-19—Gabi-gabing pinagkakaguluhan daw ng mga mananaya ang pagtaya sa raket na drop balls at color games na nakapuwesto sa Otik St., Baguio City.
Kapag sinabing pinagkakaguluhan, eh, dikit-dikit ‘yan, nalabag na ang social distancing at dahil d’yan ay baka dumami na naman ang magkahawaan ng COVID-19 sa lungsod ni Mayor Benjamin Magalong, ‘susmaryosep!





Comments