top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mamili ng pakikinggan: Bulong ng tao o bulong ng espiritu

BULGAR
Mar 13, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 13, 2022


Patuloy ang pagsasaliksik sa katotohanan at pag-aaninag sa kalooban ng Diyos.

Limampu’t pitong araw na lang bago mag-eleksyon at madalas nang magpalitan ng kuro-kuro at mga panukala tungkol sa epektibong pagmumulat sa mga mamamayan.


Iisa lang ang namamayaning pananaw ng karamihan sa paring nakakausap natin. Hindi lang tungkol sa pagpili ng mga bagong mamumuno ang halalang ito. Ito ay mas malalim na usapin ng moralidad, ng pagpili sa totoo o kasinungalingan; sa tama o mali; sa moral o imoral o sa madaling salita, sa naaayon o hindi naaayon sa kalooban ng Diyos.


Madalas din naming pag-usapan ang pagbatikos sa amin, na kami ay namumulitika kapag ikinakampanya namin ang mga partikular na kandidato.


At ang napag-uusapan naming tunay at matatag na sagot ay: Hindi ang isa o ilang kandidato ang aming ikinakampanya kundi ang mismong ebanghelyo at ang mga prinsipyong sinunod at ipinangaral ng ating Panginoong Hesu Kristo.


Kaya’t hindi basta-bastang kandidato ang aming susuportahan at ikakampanya kundi ang “mabuting kandidato” o ang kandidatong isinasabuhay at isinasalarawan sa kanyang buhay ang mga “Buti ng Ebanghelyo” o sa Ingles, ang mga “Gospel Values".


Hinggil sa tanong na, “Sino ba ang dapat nating iboto?” sumulat ng tula ang kaibigan kong pari na si Msgr. Jesus Romulo C. Ranada ng Diyosesis ng Novaliches. Nais kong ibahagi rito ang ilang bahagi ng naturang tula.


“Ang bagay ngang ito ay naitanong sa akin ng ilang mananampalataya sa parokya namin kung bakit si VP Robredo ang dapat nilang piliin na maluklok sa pagka-pangulo dito sa bayan natin.


Simple lang ang sagot ko sa tanong na ito.


Sabi ko sa kanila’y siya ang bulong sa 'kin ng Espiritu Santo.


'Pagkat aniya’y kung mayroon mang Layko na nahubog sa Ebanghelyo sa mga kandidato sa pagka-pangulo’y walang hihigit kay Robredo.


Sa kanya, ang mga turo ni Kristo’y sadyang buhay at totoo.


Sa mga pinagpapahalagahan nga ng Ebanghelyo ng Kaharian: Katotohanan, katarungan, malasakit, pagmamahalan.


Dagdag pa ang kabutihan, kabaitan, kalayaa’t kapayapaan.


Si VP Leni’y lubos na nagpakita ng magandang halimbawa sa tanan.


Sa ganitong tapat niyang pagsunod sa katuruan ang makikinabang ay ang taumbayan.

Kaya sa darating nating halalan para sa pagka-pangulo, si VP Leni Robredo ang dapat nating ipagkampanya’t iboto.


Sapagkat kung mayroon mang Laykong nahubog sa Ebanghelyo, sabi ko nga’y wala ng iba pa sa mga kandidatong ito na dapat piliin tayo.


Susunod kay Kristo, punong-lingkod sa tao, maasahang tagapamahala’t tagapangasiwa nitong bansang Pilipinas:


Ikaw, VP Leni Robredo, ang ibinubulong sa akin ng Espiritu Santo."


Sa ilang usap-usapan, narinig din na kung hindi lang tatakbo ang isang kandidatong napakalinaw na taliwas sa Ebanghelyo ni Kristo ang kanyang buong pagkatao, ay hindi na ganon ka-seryoso at mapanganib ang darating na halalan.

Dahil tatakbo ang isang kandidatong napakalinaw na hindi totoo, hindi makatarungan, kulang sa malasakit at pagmamahal sa kapwa, hindi mabuti, hind mabait at hindi nagpapahalaga sa kalayaan at kapayapaan, at iba pa, naging lubhang mahalaga na ikampanya ang kandidatong hubog at naaayon ang buhay at pagkatao sa Ebanghelyo ni Kristo.


Kailangang ipanalo ang kabutihan, katotohanan, katarungan, kalayaan, kapayapaan at kabanalan.


Hindi dapat pabayaang maghari muli at magpatuloy ang laganap nang kasakiman,

pagsasamantala, paglabag sa batas at sa konstitusyon, kasinungalingan, kuntiyabahan sa marumi at maling pamamaraan, karahasan at walang pusong pagpatay sa kapwa.


Napakaraming pinatay, ipinakulong, nawala, ninakaw, kinamkam, atbp noong madidilim na panahon ng Martial Law.


Ganundin itong nakaraang anim na taon. Meron ding mga abuso noong mga nakaraang administrasyon lalo na sa panahon nina Erap at Gloria at huwag ding kalimutan ang mga hindi lantad at hubad na katiwalian ng administrasyong Ramos.


Meron ding pula at pagkukulang ang mag-inang Aquino.


Walang administrasyong hindi nagkulang at nagkamali ngunit merong mga administrasyong napakalinaw ng paglabag at pang-aabuso ng kapangyarihan at pagwaksi sa katuruan at mga Buti ng Ebanghelyo.


Sa lahat ng kandidato, iisa lang ang ibinubulong ng Ebanghelyo at ng Diyos… sinabi na ni Msgr. Romy kung sino siya…. siya ang bulong ng Diyos…. hindi ng tao.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page