top of page
Search
  • BULGAR

Mamemeke ng vaccination cards para makabiyahe, panagutin!

ni Ryan Sison - @Boses | January 18, 2022



Kahapon, Enero 17, nagsimulang ipatupad ang “No vaccine, no ride” policy sa Metro Manila na nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng buwan.


Ang tanong, kumusta naman ang unang araw ng implementasyon, lahat ba ay nakasunod at walang nagpasaway?


Kaugnay nito, nagbigay-babala ang Department of Transportation (DOTr) laban sa mga gagamit ng pekeng vaccination cards para makasakay sa PUV. Pakiusap ng isang opisyal ng DOTr, huwag dayain ang sistema, gayung ang polisiyang ipinatutupad ay para rin sa kaligtasan ng lahat.


Samantala, nilinaw ng kagawaran na ang Philippine National Police (PNP) at Local Government Units (LGUs) ang bahala sa pagpapanagot ng mga mananakay na gagamit ng pekeng vaccination card, kung saan kabilang sa mga posibleng kaharaping parusa ay pagkakakulong o multa na maaaring umabot ng P1 milyon.


Sa ilalim ng Department Order ng DOTr, walang nakatakdang parusa sa mga pasahero, gayung wala namang awtoridad ang kagawaran para magpataw nito.


Gayunman, ang ipapataw na penalties tulad ng multa at suspensiyon ng lisensiya at pagbawi sa prangkisa ay para sa mga driver at transport operator.


Bagong polisiya, bagong pag-a-adjust para sa lahat. Kaya naman, inaasahan natin ang kooperasyon ng lahat dahil ‘ika nga, ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti natin.


Sa totoo lang, responsibilidad ng mamamayan na sumunod sa mga polisiya at ‘pag sinabing bawal, bawal. Hindi ‘yung tayo ang susuway at iba ang mananagot. Huwag tayong mandamay ng mga naghahanapbuhay.


Sana, lahat ng dapat managot ay managot depende sa kanilang nilabag — pasahero man o drayber. Isa pa, kailangang walang makalusot na pekeng vaccination card.


Paraan ito upang maipakita natin sa lahat na wala tayong pinipili at talagang may ngipin ang batas.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page