Mamamayan ang talo sa pagkapanalo ng Meralco sa kaso sa SC
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 7, 2022
BAKA AKALA NI SEC. BENJAMIN DIOKNO, EXPORTER AT PAMILYA LANG NG MGA OFWS ANG NAKATIRA SA 'PINAS—Imbes na mabahala sa patuloy na pagbagsak ng halaga ng peso sa dolyar, ibinida pa ni Sec. Benjamin Diokno ng Department of Finance (DOF) na pabor ito sa mga exporter at mga OFWs.
Baka akala ni Diokno ay ang lahat ng Pinoy sa Pilipinas ay mga exporter at may kapamilyang OFW kaya imbes na ikabahala, ikinatutuwa pa niya ang pagbagsak ng halaga ng peso sa dolyar, boom!
◘◘◘
IMBES NA IKABABAHALA, IKINATUWA PA NI SEC. DIOKNO ANG PAGLAGAPAK NG PESO SA DILYAR—Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay pumalo na sa 6.1% ang inflation rate sa Pilipinas, na ang ibig sabihin ay sobrang taas na ang presyo ng mga bilihin, bayarin sa kuryente at tubig.
Isa sa mga dahilan niyan ay ang pagbagsak ng halaga ng peso sa dolyar dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine at pandemyang dulot ng COVID-19.
Tapos itong si Sec. Diokno, ikinatutuwa pa ang paglagapak ng peso sa dolyar, pwe!
◘◘◘
DAHIL NANALO SA SC ANG MERALCO, SISINGILIN NA NITO SA MERALCO CONSUMERS ANG HIGIT P22.6-B NA HINDI NILA NASINGIL NUONG YEAR 2013—Noong 2013 ay magtataas sana ng dagdag-singil sa konsumo sa kuryente ang Meralco, pero hindi ito natuloy matapos magsampa ng kaso laban sa electric company si dating Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.
At matapos ang may walong taong pagdinig sa kaso, ibinasura ng Supreme Court (SC) ang reklamo ng Bayan Muna laban sa Meralco, na ang ibig sabihin, wagi sa kaso ang electric company.
'Ika nga, sa pagkapanalo ng Meralco sa SC, ang talo ay ang mamamayan dahil asahan na 'yung higit P22.6 billion na hindi nasingil ng electric company sa mamamayan noong 2013 ay masisingil na nila ngayon, kaya't huwag magtaka kung sa darating na billing sa kuryente ng mga Meralco consumers ay ubod na ito ng taas, saklap!
◘◘◘
TARA SYSTEM SA CUSTOMS, TULOY PA RIN—Tuloy pa rin ang "tara" (payola) collection ng mga buwaya sa Bureau of Customs sa mga smuggler.
Dapat talagang magsagawa ng malawakang balasahan si Pres. Bongbong Marcos sa Customs para matigil na ang "tara" system at pamamayagpag ng mga smugglers sa Adwana, period!





Comments