Mamahalin ng single na Wood Rooster, darating ngayong 2020 pero bawal pa magkaroon ng commitment
- BULGAR

- Sep 12, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 12, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang magiging kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.
Alalahaning ang Rooster o Tandang ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:
● Metal Rooster o Bakal na Tandang - silang mga isinilang noong 1921 at 1981
● Water Rooster o Tubig na Tandang - silang mga isinilang noong 1933 at 1993
● Wood Rooster o Kahoy na Tandang - silang mga isinilang noong 1945 at 2005
● Fire Rooster o Apoy na Tandang - silang mga isinilang noong 1957 at 2017
● Earth Rooster o Lupa na Tandang - silang mga isinilang noong 1909 at 1969
Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Rooster at Water Rooster, kaya sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang Wood Rooster o Kahoy na Tandang.
Kahit laganap pa rin ang pandemya, basta lagi mong pananatilihin ang pagiging optimistic at masayahin, mas madali mong maaakit ang magagandang kapalaran at suwerte.
Ipagpatuloy mo lang ang pagiging friendly o palakaibigan dahil sa panahong ito, maraming magagandang oportunidad ang darating na manggagaling sa lipunan na iyong ginagalawan at sa pakikipagkaibigan.
Anumang oportunidad ng pagkakaperahan ang ibigay sa iyo ng tadhana, wala kang dapat gawin kundi sunggaban agad ito dahil kapag ito ay dumating at iyong binalewala, madali itong mawawala at maglalaho sa kawalan.
Kapag naman biglang nawala ang suwerte na hawak mo na, ‘wag kang mag-alala dahil ang mahalaga ay patuloy kang nakikipagkaibigan at may lipunang ginagalawan. Dahil sa pakikipagkapwa-tao at pakikipagkaibigan, patuloy sa iyong darating ang suwerte at iba’t ibang uri ng magagandang kapalaran. Kaya kahit mawala ang suwerte, babalik din ‘yan sa iyo nang kusa, mas marami at doble-doble pa.
Dagdag pa rito, marami ring mga gawain ang mabubuksan sa buong 2020 hanggang 2021 na lalo pang magpapasigla at magpapayabong ng iyong career at personalidad. Kaya tulad ng nasabi na, wala kang dapat tanggihan, kumbaga, sunggab lang nang sunggab upang lalo ka pang umunlad at maging maligaya.
Nagiging maligaya at mas maunlad ang Kahoy na Tandang, mientras marami silang ginagawa at pinagkakaabalahan. Kaya sa buong taong ito, ‘wag na ‘wag kang mamamahinga, sa halip, dapat maging hectic at laging abala ang schedule mo upang lalo ka pang suwertehin at datnan ng mas marami pang magagandang kapalartan.
Sa love life, sa mga mag-asawa, tinatayang magiging positibo ang relasyon sa buong 2020 hanggang 2021 at lalo pang uunlad at lalago ang pagmamahalan.
Sa mga Wood Rooster na wala pang karelasyon, maaari nang dumating ang hinihintay mong lalaki o babaeng mamahalin sa taong ito, ngunit hindi ka pa rin dapat magkaroon ng commitment dahil alalahanin mong ang higit na mahalaga ay ang pagpapaunlad at papapalago ng career. Kapag nakatapos ka na ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho, saka ka pa lang dapat makipagrelasyon nang seryoso upang mas madaling makamit ang maligaya at panghabambuhay na pag-ibig at pagpapamilya.
Itutuloy






Comments