top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 9, 2021



Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang tungkol sa masuwerteng kulay ngayong 2021.

At sa pagkakataong ito, itutuloy natin ang pag-aanalisa sa mga suwerteng kulay sa taong ito, na tinatawag ding Year of the Metal Ox, na magsisimula sa ika-12 ng Pebrero, 2021.

Sinasabing upang malaman mo ang masuwerteng kulay sa taong ito, unang dapat mong aralin at maunawaan ay ang tungkol sa Chinese Astrology, partikular sa animal sign na Metal Ox.

Tandaang ayon sa Chinese Astrology, ang Ox ay may taglay na likas na elementong earth o lupa.

Gayundin, ayon sa Chinese Astrology, ang earth ay ikinukonsidera na nagtataglay ng kulay na dilaw o yellow. Ito ang dahilan kaya dilaw ang suwerteng kulay sa taong ito kung saan matatandaan na noong nakaraang isyu ay tinalakay natin ang tungkol ang kulay na ito.

Samantala, bukod sa natural na elementong taglay ng animal sign na Ox, ang isa pang batayan o tinitingnan ng suwerteng kulay sa taong ito ay ang mismong taglay na elemento ng year 2021.

Hindi kayo dapat mailto dahil tulad ng nasabi na, ang animal sign na Ox ay may likas na elementong lupa o earth na nagtataglay ng kulay na dilaw o yellow. Ibig sabihin, muli, uulitin natin na dilaw din ang suwerteng kulay ng 2021.

Gayunman, hindi rin dapat kalimutang sa bawat taon, tulad ng taong ito ay may kaakibat ding elemento, at ang 2021 ay may elementong metal.

Kung saan, ang metal ay nagtaglay naman ng kulay na white. Ito ang dahilan kaya noong nakaraang New Year’s Eve, may ilang pamilya na nagsuot ng kulay puti bilang pambungad na pagsalubong sa year 2021 at ito ay ipinost nila sa kani-kanilang Facebook account.

Pero sa katotohanan at aktuwal na buhay, bihira sa mga Chinese ang gumagamit ng plain na color na white. Sa halip, mas kumbinyente silang gumamit ng mga white color na may shade o kulay na puti na may kaunting shade o bahid ng ibang kulay, tulad ng “cream” o “dirty white”.

'Yung iba naman, pinapatakan nila ng kaunting pula ang white upang lumutang ang bahagyang pagka-pink nito o kaya naman, patak ng kaunting green o berde upang kumulay ang masarap at malamig sa mata na mint o light green, at puwede rin namang haluan ng kaunting kulay na dilaw o yellow ang kulay na puti upang lumutang ang bahagyang masarap tingnan na madilaw-dilaw na puting kulay, na siyang kadalasang ipinipinta o ipinapahid sa mga dingding ng bahay.

Maaaring maitanong mo, bakit naman iniiwasan ng mga sinaunang Chinese ang paggamit ng plain color na white?


Hinahaluan ng kaunting patak ng ibang kulay ang base na white upang ito ay pumusyaw o maiba ang kulay, sapagkat ayon sa Ancient Chinese superstition, itinuturing na may negatibong kahulugan ang kulay puti. Ito ay nangangahulugan ng pagluluksa, kulay ng kabaong o ataul at nagbabadya ng kamatayan. Kaya ang mga Chinese, kapag nakikipaglibing sa kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw na, kadalasan ay nakasuot sila ng kulay na white o puti. Ito rin ang dahilan kaya noong 2020, panahon ng pagputok ng Bulkang Taal at paglaganap ng malawakang pandemya sa buong mundo kung saan, maraming nagluksa at namatayan ng mga mahal sa buhay dulot ng COVID-19, dahil noong nakaraang taon ay nagtataglay din ng elementong metal kung saan ang 2020 ay taon ng Metal Rat.


Maaaring maitanong mo na kung Metal Rat noong 2020, bakit naman Metal Ox ang year 2021? Oo, dalawang magkasunod ang taon ng metal dahil ito ay ang Metal Yang at Metal Yin – isang positibo at negatibong metal.

Balik ulit tayo tungkol sa kulay na puti. Kaya naman bukod dito, mas pinipili ng mga Chinese at ganundin ng ibang mga taong may alam sa Chinese Astrology ang secondary colors na kaakibat din ng elementong metal tulad ng kulay na gold, gray, silver, at iba pang kulay na hinango o kakulay ng metal, kaya puwede rin ang kulay na aluminum, stainless, chrome, alloy, copper at iba pang kauri nito.


Upang mas maging mabisa ang paggamit ng kulay na metal, mas maganda kung gagamitin mo ito bilang pampasuwerteng kulay ngayong 2021, ang mas dapat at tama ay 'yung mga metal colors na kumikinang o kumikislap nang sa gayun ay mas madali mong maakit ang suwerte at magagandang kapalaran sa taong ito ng Metal Ox.

Ang elementong metal ay nangangahulugan ng katalinuhan, katatagan ng pag-iisip, istamina, determinasyon at pagpupumilit na makamit ang isang bagay na kanyang ninanais o inaambisyon.

Kaya nga sa pagsusuot ng nasabing mga kulay na inirerepresenta ng elementong metal, ang mga pangunahing katangian na nabanggit sa itaas ay agad na mangingibabaw sa pagkatao at kapalaran ng indibidwal na gagamit o magsusuot ng kulay ng metal sa buong 2021.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 5, 2021



Ang bilis ng panahon! Kamakailan lang, parang sariwa pa ang pagputok ng Bulkang Taal at pagragasa ng pandemyang dulot ng COVID-19, agad na ngang napigtas sa dahon ng kalendaryo at ang nasabing mga kalamidad, gayundin, matuling lumipas ang hindi kagandahang taon ng 2020. At ngayon nga ay masayang isiping lumalakad na ang bawat araw sa mas maganda, masagana at positibong 2021.


Maraming nagtatanong kung gaganda na nga ba nang lubusan ang buhay ngayong 2021? At marahil ay maitatanong mo rin sa iyong sarili kung ano nga ba ang idudulot sa ating bansa, partikular sa bawat kapalaran ng indibidwal ng taong ito?


Sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng pag-aanalisang Numerology, tatalakayin natin ang tungkol sa magiging kapalaran ng year 2021.


Una, mapapansin na ang 2021 ay may sumatotal na numerong Singko o Five (5).

Nangyaring numerong Singko o Five (5) ang 2021, dahil sa Numerology, ang 2021 ay kinokompyut ng ganito: 20+21=41/ 4+1=5.


Ang Numerong Five o Singko (5) ay kumakatawan sa planetang Mercury at ang God na si Mercury ay sumisimbolo ng kasaganaang pangkomersiyo, mabilis na takbo at pagtaas ng antas ng negosyo, malapitan at malayuang mga paglalakbay at may pangako rin ng tuluy-tuloy at walang tigil na pangangalakal.


Pangalawa, alalahanin na sa mitolihiyang Griego-Romano, si Mercury ay siya ring “God of healing” – nagdadala ng lunas at naghahatid din ng kagalingan sa bawat tao, bansa at ganundin sa buong mundo.


Kaya sa taong ito ng 2021, kung ikukumpara sa nakaraang taong 2020, kahit sabihin pang may paparating na naman na bagong variant ng COVID-19, ‘wag kang mag-alala dahil walang duda, magiging okey pa rin ang takbo ng mga pangyayari ngayong 2021, patungo sa ganap na pagrekober ng aspetong pampinansiyal, pakikipagrelasyon sa kapwa, mga mahal sa buhay at kagalingan ng bawat isa.


Pangatlo, dahil si Mercury ay may kaugnayan din sa komersiyo o business, asahan nang sa taong ito, muling lalago at gaganda ang larangan ng ekonomiya at pangangalakal sa ating bansa, higit lalo ang mga produkto na may kaugnayan sa modernong teknolohiya, social media, mass communication, cellphone, laptop, computer, internet at asahan ding maraming modern at high tech na mga gadget ang maiimbento at ipakikilala sa merkado.


Pang-apat, dahil si Mercury ay may kaugnayan din sa travel o paglalakbay, sa taong ito ng 2021, asahan ng muling sisigla ang larangan ng turismo at transportasyon, hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo.


At pang-lima, tandaan ding si Mercury ay nagtataglay ng kulay na metal, tulad ng silver, gray, blue at white, kaya naman ang nasabing mga kulay ang siyang magiging tampok na suwerte o mapalad na kulay sa buong taong 2021.


Ang pagsusuot ng mga bagay na yari sa metal tulad ng silver, gold at iba pang alahas na hinukay o nanggaling sa ilalim ng lupa ay tunay namang makapagbibigay ng dagdag na suwerte at kakaibang magagandang kapalaran sa sinumang gagamit ng nasabing mga alahas o palamuti, higit lalo kung ito ay niglayan ng batong garnet, emerald o sapphire.


Itutuloy

 
 

Earth Pig, palakaibigan at madaling mabola kaya laging ubos ang pera

Tulong ng partner, kailangan ng earth pig para makaipon para sa future

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | November 10, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, ipagpatuloy natin ang diskusyon hinggil sa magiging kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa susunod na taon o Year of the Metal Ox.

Alalahaning ang Pig o Baboy ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Pig o Bakal na Baboy - silang mga isinilang noong 1971

  • Water Pig o Tubig na Baboy - silang mga isinilang noong 1982

  • Wood Pig o Kahoy na Baboy - silang mga isinilang noong 1935 at 1995

  • Fire Pig o Apoy na Baboy - silang mga isinilang noong 1947 at 2007

  • Earth Pig o Lupa na Baboy - silang mga isinilang noong 1959 at 2019

Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Metal Pig, Water Pig, Wood Pig at Fire Pig, kaya sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang huling uri ng Baboy ayon sa taglay niyang elemento— ang Earth Pig o Lupa na Baboy, kung ano ang kanyang magiging kapalaran ngayong 2020 hanggang 2021.


Dahil sa patuloy na pakikipagkapwa-tao at pagiging palakaibigan, tuluy-tuloy na susuwertehin ang Earth Pig sa huling yugto ng taong ito, higit lalo sa larangan ng salapi at materyal na bagay.


Kung ang pagbungad ng 2020 ay puno ng mga problema at pagsubok, ang lahat ng suliraning ito ay unti-unti nang huhupa, hanggang sa dumating ang 2021 kung saan lalong darami ang oportunidad ng pagkakakitaan at mga pagkakataon upang lalong lumago ang kabuhayan.


Tulad ng iba pang mga Baboy, ang magagandang oportunidad, lalo na sa larangan ng salapi at pagkakakitaan ay kusang dumarating sa kanila, dangan nga lamang dahil likas silang palakaibigan, madaling mabola at mapagbigay, kadalasan ay nauubos sa walang kabuluhang pagbibigay ang kanilang salapi at kabuhayan. Kaya napakahalaga sa Earth Pig kung tutulungan siya ng kanyang asawa, karelasyon o kapareha na mag-ipon.


Sa ganu’ng paraan, kumbaga, ‘pag may gumagabay o nagma-manage sa kabuhayan ng Earth Pig, imbes na mawaldas at malustay nang ganu’n-ganu’n ang kanyang kabuhayan, tulad ng nasabi na, ito ay maiipon o maitatabi ng masinop at matipid niyang asawa. Sa ganu’ng paraan, ‘pag may nag-iingat sa kanyang kabuhayan, hindi siya maghihirap, sa halip, tuluy-tuloy siyang yayaman, hanggang sa maging sobrang yaman ng kanyang pamilya.


Tandaan din na kapag naramdaman ng Earth Pig na sinusuwerte na siya sa panahong ito na nasa last quarter na ang 2020, higit lalo sa career, propesyon, salapi, negosyo o aspetong pangkabuhayan, tiyak na ang suwerteng ito ay magtutuloy-tuloy hanggang sa 2021. Kaya habang dumarami ang oportunidad ng pagkakakitaan, dapat isipin ng Earth Pig na ang suwerte at magandang daloy ng salapi ay natatapos din. Sa ganitong paraan, kung magiging aware o conscious siya na mag-ipon, tulad ng nasabi na, mabilis na madodoble ang kanyang kabuhayan hanggang lalo pa siyang yumaman.


Samanatala, hindi lang sa salapi at materyal na bagay susuwertehin ang Earth Pig sa last quarter ng 2020 at pagpasok ng 2021, bagkus, may pangako na papalarin din ang Earth Pig sa larangan ng pag-ibig at aspetong pandamdamin. Marami ring magagandang oportunidad ang mabubuksan, na saydang ikaliligaya ng kanyang damdamin at buong pagkatao. May mga pangako rin ng masayang paglalakbay sa 2021 hanggang 2022.


Sa pangkalahatan, bagama’t nakadisenyo nang magtatamo ng magagandang kapalaran ang Earth Pig sa last quarter ng 2020 hanggang 2021, pinapaalalahanan din sila ng kapalaran na ingatan ang kanilang kalusugan. Sabi nga, aanhin mo ang magagandang kapalarang dumarating sa iyong buhay kung may nararamdaman ka naman sa iyong katawan? Ibig sabihin, kasabay ng mga suwerte at magagandang kapalaran, ‘wag na ‘wag mo ring kalilimutang ingatan ang iyong kalusugan, kaya sa last quarter ng 2020 hanggang 2021, ugaliin mo pa ring mag-exercise nang regular, umiwas sa mga pagkaing hindi maganda sa pangangatawan, iwasan ang mga nakaka-stress na gawain, magkaroon ng makabuluhang libangan at dagdagan ang mga pagre-relaks. Sa ganyang paraan, ‘pag iningatan mong maigi ang iyong kalusugan at napanatili mo ang magandang pangangatawan, matatamasa mo nang mas masarap ang mga suwerte at magagandang kapalarang dumarating sa panahon ngayon at patuloy pang darating sa 2021 o taon ng Gintong Baka.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page