Maluwag na quarantine protocols sa mga turistang nabakunahan, pag-aralan
ni Ryan Sison - @Boses | June 07, 2021
Isa sa mga requirement para makabiyahe sa iba’t ibang lugar o probinsiya ang negatibong resulta ng RT-PCR test.
Hakbang ito upang matiyak na walang carrier ng virus sa isang lugar, gayundin upang maiwasan ang hawaan habang pinapayagang bumiyahe ang ating mga kababayan.
At ngayong patuloy ang vaccination program ng pamahalaan kontra COVID-19, kani-kanya nang isip ng mga opisyal ng gobyerno para maipagpatuloy din ang paggalaw ng ekonomiya, partikular sa sektor ng turismo.
Kaugnay nito, nais ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na huwag nang isailalim sa swab test ang mga lokal na turista at biyahero na kumpleto na ang bakuna sa COVID-19.
Ito ay kasunod ng pagpapaikli ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases ang haba ng quarantine ng international travelers na nakumpleto ang bakuna sa Pilipinas. Sa halip na 10, pitong araw na lamang ang quarantine ng mga biyahero na lalabas at muling papasok sa bansa, basta rito nila nakumpleto ang bakuna bago sila bumiyahe.
Samantala, paliwanag ng opisyal, malaking bagay para sa domestic travel at pagbubukas ng ekonomiya kung wala nang RT-PCR test sa mga nakumpleto na ang bakuna upang makatipid ang mga ito.
Sa tototo lang, wala namang masama kung susubok tayo ng mga hakbang para sa ikagiginhawa ng lahat, pero kailangan nating tandaan na hindi dapat maisakripisyo ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Bagama’t may proteksiyon ang mga bakunado laban sa malalang epekto ng COVID-19, hindi ito nangangahulugang hindi na sila mahahawa o makakahawa.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti kung magiging ligtas ang panukalang ito.
Sa ngayon, pakiusap natin sa mga turista, maging responsable kahit nabakunahan na. Patuloy na sumunod sa mga umiiral na health protocols at iwasang magpasaway.
Kailangan nating matiyak na hindi masasayang ang lahat ng pagsisikap at sakripisyo ng bawat isa kontra pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments