top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Malinis at makatotohanang kampanya, dapat lang!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 27, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | February 27, 2022



Sa gitna ng kampanya, kani-kanyang diskarte ang national candidates upang makuha ang tiwala at boto ng marami nating kababayan.


Gayunman, kasabay ng paglagda ng partnership ng Commission on Elections (Comelec) sa isang news website hinggil sa paglaban sa disinformation na may kaugnayan sa 2022 National at Local Elections, nagpaalala ang komisyon na panatilihing ‘factual’ o makatotohanan ang kanilang kampanya.


Ayon sa tagapagsalita ng Comelec, dapat totoo ang inilalabas ng mga kandidato sa lahat ng pagkakataon.


Inihalimbawa nito ang livestream ng kanilang e-rallies, kung saan aniya, mahirap pigilan ang kandidato dahil may tamang proseso ng pagpa-fact check. Paglilinaw nito, kailangang patunayan ang impormasyon o statement na pina-fact check ay mali o misleading. Dahil dito, hinikayat niya ang mga independent fact checkers na pag-aralan ang mga statement ng mga kandidato.


Samantala, nilinaw ng tagapagsalita na hindi kokontrolin ng komisyon ang mga content dahil aniya, kailangang maging responsable ang kandidato sa kanyang content. Dahil dito, malinaw umanong ang mga kandidato ang mananagot, kaya kinakailangang makatotohanan ang kanilang ilalabas na impormasyon.


Kasabay nito, hinikayat ng Comelec ang mga botante na bumoto ayon sa kanilang konsensiya at tamang impormasyon.


Sa panahon ngayon, napakahalaga na tamang impormasyon ang alam ng lahat at mas mahalaga na sa ‘future lider’ manggaling ang impormasyong ito.


Kaya panawagan sa mga kandidato, kung gusto ninyong magsilbi sa publiko, dapat ngayon pa lang ay ipakita ninyong karapat-dapat kayo. Maraming paraan para patunayang dapat kayong maupo, at isa na riyan ang pagpapatunay na hindi kayo pagmumulan ng anumang maling impormasyon.


Malinis at makatotohanang kampanya ang kailangan natin. Kumbaga, walang bahid ng fake news o pagkalito dahil bilang lider ng bansa, dapat kayong maging ehemplo sa mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page