top of page

Maling pag-aanalisa sa zodiac sign, dahilan kaya feeling 'di compatible sa dyowa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 5, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 05, 2021



Dear Maestro,

Isinilang ako noong March 22, 1992 habang ang boyfriend ko naman ay isinilang noong July 7, 1991. Sa pagkakaalam ko, hindi kami compatible pero bakit nagtagal ng almost seven years ang aming relasyon?

Sa ngayon, balak na naming magpakasal. Kung hindi kami compatible, bakit nagtagal kami at hanggang ngayon ay nagmamahalan pa rin kami? Sana ay maipaliwanag ninyo ito upang magkaroon ako ng peace of mind at para mapetsahan na rin ang binabalak naming kasal.


Umaasa,

Ever ng San Julian, Malasiqui, Pangasinan


Dear Ever,

Ang sinasabi mo bang hindi kayo compatible ng boyfriend mo ay dahil ikaw ay under sa zodiac sign na Aries habang siya naman ay Cancer, kung saan ang Aries ay isang fire type sign habang ang Cancer ay water type sign?


Kung ang datos na ‘yan ang pinagbatayan mong hindi kayo compatible, hindi wasto ang iyong pag-aanalisa sa sarili mong kapalaran. Dahil d’yan, “Bakit?” ang maaari mong maitanong.


Ito ay dahil ang birth date na March 22 ay masasabing under pa rin sa tinatawag na “cusp” o mga birth date na nasa pagitan ng dalawang zodiac sign. Kumbaga sa pagtaya sa sugal o “sakla”, ito ang tinatawag na “primas” o nasa pagitan ng dalawang baraha ang iyong taya. Sa pagtaya sa huweteng, ito naman ang tinatawag na “gitna”. Kung P10 ang taya mo, lumalabas na P5 sa kabilang baraha at P5 naman sa kabilang baraha.


Ganundin ang ibig sabihin ng “cusp” na birth date. Kung akala mo ay Aries ka, nagkakamali ka dahil ang totoo, ang petsang March 22 ay isa o dalawang araw pa lang ang lumilipas mula sa pagiging Pisces ng zodiac sign patungo sa Aries. Ibig sabihin, hindi maikakaila na bagama’t akala mo ay Aries ang zodiac sign mo, mala-Pisces ka pa rin at mala-Aries. Pero napakadaling ihaka na mas nananaig sa pagkatao mo ang pagiging Pisces, dahil kusa mong na-magnet at naging magka-compatible naman kayo ng boyfriend mong Cancer o water type tulad ng Pisces. Kaya naman umabot ng ilang taon ang inyong pagsasama na okey naman at walang problema.


Tunay ngang magka-compatible ang Pisces at Cancer dahil kapwa sila nagtataglay ng water element.


Dagdag pa rito, pansin mo ba ang birth date ng boyfriend mo na July 7, na siya ring secondary number ng zodiac sign na Pisces? Dahil bukod sa 7, numero rin ng Pisces at Cancer ang 2, na kapwa kaya naiimpluwensiyahan ng numerong 2 at 7, bukod pa sa katotohanang ang birth date mong 22 o 4 (ang 22 ay 2+2=4) compatible rin sa birth date na 7 ng boyfriend mo.


Samakatuwid, hindi lang kayo sa zodiac sign magkatugma kundi pati sa Numerology, kaya nga humigit-kumulang, wala namang nakikitang problema sa inyong relasyon. At sa taong ito ng 2021 hanggang 2022, sa edad mong 29 pataas at 30 naman ang boyfriend mo, sigurado na ang magaganap – maikakasal kayo at ang inyong itatayong tahanan ay tiyak na aani ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page