Malinaw na panuntunan sa F2F sa kolehiyo, ilabas na!
ni Ryan Sison - @Boses | March 17, 2022
Matapos payagan ng Commission on Higher Education (CHED) ang 100% kapasidad ng face-to-face classes sa ilalim ng Alert Level 1, nananawagan ang mga student council mula sa iba’t ibang unibersidad sa kanilang paaralan na ilabas na ang kumpletong panuntunan sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga mag-aaral ng isang unibersidad sa Maynila dahil wala pa rin anilang panuntunan sa kanilang pagbabalik-eskuwela, gayung nagsimula na ng in-person class ang mga kalapit nilang paaralan.
Sa isa pang paaralan, wala pa umanong natatanggap na detalyadong plano ang mga estudyante para sa in-person classes. Bagay na malaki umanong problema dahil karamihan ng mag-aaral ay nananatili sa kanilang probinsiya. Ayon sa isang opisyal ng naturang paaralan, kung last minute pa maglalabas ng guidelines, mahihirapan ang mga estudyanteng manggagaling pa sa probinsiya, gayung kakailanganin pang maghanap ng mga ito ng matutuluyan sa Maynila.
Tulad ng nararamdaman ng mga mag-aaral, nakakadismaya na tila walang plano ang mga administrasyon ng ilang paaralan, gayung may go-signal na ang pamahalaan sa pagbabalik-eskuwela sa kolehiyo sa ilalim ng Alert Level 1.
Habang marami ngang mag-aaral na gustong makabalik sa eskuwelahan, paano naman kung walang matinong plano ang pamunuan ng paaralan?
Gusto lang naman natin ng ligtas at maayos na balik-eskuwela sa kolehiyo, kaya sana, pakinggan natin ang hinaing ng mga mag-aaral. Sila rin kasi ang mahihirapan pagdating ng panahon.
Isa sa mga natutunan natin mula sa pandemya ay ang pagkakaroon ng konkretong plano at panuntunan para iwas-aberya, kaya utang na loob, ‘wag nating pahirapan ang mga estudyante.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments