Maliliit na negosyo, nakakabangon na
ni Ryan Sison - @Boses | May 9, 2022
Habang tutok ang lahat sa halalan dahil todo-bantay sa kanilang boto at mga sinusuportahang kandidato, dumako muna tayo sa mas magandang balita.
Matapos ang patuloy na pagluwag ng restriksyon sa bansa, unti-unti nang nakakabangon ang maliliit na negosyante mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ito ang inihayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, kung saan aniya, nakatulong din dito ang patuloy na pagbabakuna laban sa nakahahawang sakit.
Gayunman, sa kabila ng pagbabagong ito, nananatili aniyang hamon sa bansa ang inflation na dulot ng Ukraine-Russia war, kung saan tuluy-tuloy pa rin ang pagtaas ng commodity prices.
Problema umano ito dahil hindi puwedeng ipasa ng mga manufacturers sa consumers dahil masyadong malaki.
Kaya giit ng opisyal, dapat manatili sa Alert Level 1 ang bansa dahil kung muling maghihigpit, babalik sa dati. Kasabay nito ang patuloy na panawagan sa publiko na magpabakuna kontra COVID-19.
Talagang good news ang pagbangon ng maliliit na negosyo, lalo pa’t matatandaang marami sa mga ito ang napilitang magsara o magtigil-operasyon dahil hindi kinaya ang epekto ng pandemya.
At ngayong unti-unti nang bumabawi, hangad nating magtuluy-tuloy pa ito.
Siyempre, hindi lamang mga negosyante ang dapat magsikap kundi tayo ring mamamayan.
Gaya ng panawagan ng opisyal, ipagpatuloy ang pagbabakuna laban sa sakit. Gayundin, sabayan ito ng pagsunod sa health protocols, mahigpit man o hindi ang mga restriksyon.
Malaking bagay ito upang maiwasan ang hawahan at mga paghihigpit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments