Maligayang Pasko, bawi tayo sa 2021!

@Editorial | December 24, 2020
Maligayang Pasko!
Maraming kaganapan na sadyang nagpaiba sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ngayong taon, pero huwag sana nating makalimutan na maging masaya at magpasalamat pa rin dahil unang-una, tayo’y buhay, kasama ang pamilya at higit sa lahat, kinakaya ang unti-unting pagbangon.
Bagama’t, may iba na nawalan ng mahal sa buhay, naapektuhan ang kabuhayan at hindi alam kung ano na ang mangyayari sa susunod na taon. Eh, wala namang nakakaalam kung ano ang meron bukas o sa susunod na mga araw, kaya hindi dapat matakot.
‘Ika nga, habang may buhay, may pag-asa. Hindi man naging madali ang pasok at pagtatapos ng taong 2020, may pagkakataon pa para bumawi sa 2021.
Hindi nawawala ang problema, kailangan lang ay hindi rin tayo maubusan ng solusyon at tamang diskarte.
Samantala, dahil maya-maya ay pagsalubong na ng Pasko, paalala sa mga nasa last minute na pamimili ng pang-Noche Buena, maging maingat na hindi madale ng mga abusadong negosyante.
Sakaling mabiktima, agad na isumbong sa Department of Trade and Industry (DTI).
May inilabas na suggested retail price (SRP) para sa mga pang-noche buena item gaya ng hamon, fruit cocktail, keso, queso de bola, spaghetti, macaroni, tomato sauce, sandwich spread, mayonnaise at creamer, alamin natin ito para hindi tayo maisahan ng mga pasaway.
Sadyang hindi pa rin nawawala ang mga abusado kaya kailangang magdoble ingat at huwag magpapabiktima.
At kung hindi talaga kinaya ng budget na makapaghanda, anumang mapagsasaluhan ay okay na, ang mahalaga magkakasama ang pamilya.



Comments