Maligayang Pasko at bagong simula para sa mga pinalayang preso
ni Ryan Sison @Boses | December 22, 2023
Totoong mas magiging maligaya ang Pasko at makabuluhang Bagong Taon ang mararanasan ng ating mga kababayang persons deprived of liberty (PDLs).
Ito ay dahil sa may panibagong 985 inmates ang napalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) na mula sa iba’t ibang piitan sa bansa, kabilang dito ang 104 bilanggo mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa ngayon, ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., umabot na sa kabuuang 11,000 inmates ang napalaya mula nang manungkulan si Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla.
Kasama sa mga pinalayang PDLs ay na-acquit, nakapagsilbi na sa kanilang maximum sentence, habang ang iba ay nabigyan naman ng probation at parole.
Binigyang-diin din ni Catapang na sa ilalim ng “Bilis Laya” program ay magkatuwang ang BuCor at Board of Pardons and Parole (BPP) para mapabilis na makapagpalaya sila ng mga PDL na napagkalooban ng parole.
Ayon sa BuCor director, magkatulong ang dalawang kagawaran para agad mabatid kung saan nagkakaroon problema at mapabilis ang pagpapalaya sa mga inmates nang makabalik na rin sila sa kanilang pamilya.
Bukod dito aniya, inatasan na rin niya ang legal team ng BuCor na pag-aralan ang iba pang posibleng legal na paraan sa pagre-release ng PDLs na nakapagsilbi na ng kanilang minimum sentence.
Matatandaang natapos na ang 2-day decongestion summit ng ahensya na layuning maresolbahan ang pagsisiksikan ng mga bilanggo sa mga piitan.
Maganda ang programang isinasagawa ng gobyerno para sa ating mga kababayang inmates.
Panibagong pagkakataon ito para sa kanila na makapagbagong buhay kapiling ng kanilang mga pamilya.
Tama na mabigyan din sila ng tsansang makapamuhay nang maayos, mabuti at marangal.
Marahil, sa mga panahon ng kanilang pananatili sa loob ng kulungan ay natuto na sila habang nagbigay ito ng aral na mas tamang gumawa ng mabuti.
Hiling lang natin sa taumbayan na sana ay piliin nating tanggapin sila sa kabila na alam natin ang kanilang pinanggalingan. Huwag nating hayaan na umiral ang pag-discriminate sa kanila para hindi nila maramdaman na malayo sila sa lipunan.
Sa kinauukulan, sa kabilang ng mga hamon ay patuloy sana ang pagsisikap na gawin ang makabubuti para sa mga mamamayan na makapagbibigay din ng kapakinabangan sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments