Maldita at bastos na social workers, sibak agad!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 6, 2022
TAKLESA SA DSWD, MANANAGOT KAY TULFO—Nagbabala si DSWD Sec. Erwin Tulfo, na sisibakin niya ang mga kawani ng kanyang departamento na mapatutunayang nagtaray, nanigaw o nambastos ang mga kababayan nating humihingi ng tulong sa Department of Social Welfare and Development.
Kaya sa mga taklesang kawani ng DSWD, baguhin n’yo na ang inyong asal kasi kung patuloy kayong magtataray, maninigaw at mambabastos ng ating mga kababayan, lagot kayo kay Tulfo, period!
◘◘◘
HINDI LANG SI SEN. IMEE ANG NADISMAYA KASI PATI ANG MGA TAGA-CENTRAL LUZON AY DISMAYADO SA PAG-VETO NI P-BBM SA ‘BULACAN AIRPORT ECOZONE’—Bagama’t nirerespeto ni Sen. Imee Marcos ang naging desisyon ng kanyang kapatid na si Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na i-reject ang kanyang panukalang-batas na Bulacan Airport Ecozone kasi karapatan ng sinumang pangulo ang mag-veto ng mga panukala ng mga senador, dismayado siya sa naging aksyon ng kanyang utol na pangulo.
Sa totoo lang, hindi lang si Sen. Imee ang nadismaya kasi pati angmga taga-Central Luzon na nagbigay ng malaking boto kay P-BBM ay dismayado dahil kung hindi ito vineto ng pangulo ay marami sanang mga taga-Bulacan, Pampanga, Tarlac, Bataan, Nueva Ecija at Zambales ang mabibigyan ng trabaho sa Bulacan Airport Ecozone, period!
◘◘◘
P577-M PANDEMIC FUNDS NA HINDI NAIPAMAHAGI NG DILG, ISA SA MGA PATUNAY NA PALPAK ANG COVID-19 RESPONSE NG NAKARAANG DUTERTE GOV’T.—Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na may mahigit P577 milyon pera ng bayan na bahagi ng pandemic funds na nasa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang hindi nagastos para maipamahagi sa mga kababayang apektado ng pandemya.
Isa ‘yan sa patunay na palpak ang tugon ng Duterte gov’t. sa COVID-19 response kasi mantakin n’yo, may ganyan pala karaming pera na inilaan pantulong sa ating mga kababayan, tapos hindi ipinamigay ng DILG, buwisit!
◘◘◘
HINDI PAGGASTA NG DILG SA P577-M PANDEMIC FUNDS, DAPAT IMBESTIGAHAN—Dapat imbestigahan ang isiniwalat na ‘yan ng COA tungkol sa P577-M pandemic funds ng DILG kasi kung ang pondong ‘yan ay nasa DILG pa at hindi lang naipamigay sa mga kababayang apektado ng pandemya, okay lang dahil nand’yan pa naman ang pera ng bayan.
Paano kung wala na? Isa lang ibig sabihin niyan, na baka naibulsa na ‘yan ng mga buwaya sa DILG, boom!





Comments