top of page

Malalaking problema ang sasalubong kay P-BBM sa unang linggo sa puwesto

  • BULGAR
  • Jun 29, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | June 29, 2022


NABABAHALA tayo sa pag-upo ni P-BBM sa Palasyo sa linggong ito.

Sasalubungin siya ng maselang krisis na hindi pa nararanasan ng ating bansa sa kasaysayan.


Ito ay ang negatibong epekto ng dalawang taong pandemic sanhi ng COVID-19 at ang epekto ng giyera ng Russia at Ukraine.


◘◘◘


MALINAW na kailangang maresolba ni P-BBM ang negatibong epekto nito.


Kung susuriin sa biglang tingin, ito ay may kaugnayan sa ekonomiya — pero nagdududa tayo sa ganyang klase ng pagtaya.


◘◘◘


KAPAG krisis o pambihirang krisis, tulad sa nararanasan ngayon, hindi ito nakapokus lamang sa pinansyal o ekonomiya, bagkus — ay nag-uugat ang mala-cancer na krisis sa lahat ng aspekto ng public administration at iba pang larangan pampulitika.


Ibig sabihin, hindi dapat maligaw sa pagtaya ang mga adviser ni P-BBM na ang problema ay ekonomiya lamang, bagkus ay dapat basahin ito o unawain batay sa kabuuang takbo ng gobyerno — kasama ang pulitika — international o local man.


◘◘◘


NAIS nating bigyang-diin, na ang solusyon sa krisis ay hindi dapat pang-ekonomiya lamang, bagkus ang krisis ay sinosolusyunan batay sa lahat ng aspekto ng pamahalaan.


May mahalagang dapat gampanan bilang solusyon ang “public administration”.


◘◘◘


KARANIWANG itinatalaga sa puwesto ay abogado — na walang sapat na karanasan at pang-unawa kung ano ang pasikut-sikot ng public administration — kaya’t nagkakaletse-letse.

Halimbawa, dahil may krisis, ang solusyon ay napokus lamang sa financial area ng gobyerno.


Mali.


◘◘◘


DAPAT isinasabay ang malawak na pangangasiwa sa loob ng burukrasya.

Kapag may krisis, dapat magtipid.


Ibig sabihin, ang unang magtitipid dapat sa gastusin ay ang mismong burukrasya.


◘◘◘


DAPAT iutos ni P-BBM ang pagtitipid sa paggamit ng petrolyo, elektrisidad at tubig sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.


Simpleng direktiba lamang ‘yan — pero malaki ang impact sa panahon ng krisis.


◘◘◘


‘Yan ay maipatutupad lamang — ng epektibong lider na may sapat na oryentasyon at kaalaman sa aspeto ng public administration.


Hindi kayang ipatupad ng mga bar topnotcher o mga abogado.


◘◘◘


KARANIWANG “legal na aspeto” ang takbo ng isip at solusyon ng mga abogado, imbes na praktikal at aktwal na karanasan sa loob at labas ng burukrasya.


Siyempre, kasama ang praktikalidad, realidad at aktwal na nararanasan ng mga gumagalaw sa loob ng burukrasya.


◘◘◘


KAPAG matindi ang krisis, magko-collapse ang burukrasya.

Kailangang maiwasan ito ngayon pa lamang — dapat bihasa tayo sa pangangasiwa sa loob ng gobyerno.

Imbentaryuhin at bantayan ang gugulin at transaksyon sa barangay, munisipalidad, siyudad at mga lalawigan.


At mula rito, makikita ng Palasyo ang tunay na larawan na siyang pagbabatayan ng epektibong solusyon — sa panahon ng matinding krisis.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page