top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Malaking porsiyento ng Pinoy na nadadale ng fake news, nakakabahala

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 18, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | February 18, 2022



Aminado tayong malaking problema ang fake news sa bansa.


Dito nagsisimula ang pagkalat ng maling impormasyon, maling paniniwala at iba pang problema.


Marahil, hindi marunong mag-“fact check” ang ilan, kaya hindi man intensiyon na magbahagi ng fake news, huli na bago makumpirmang maling impormasyon ang kanilang naipakalat.


Kaya naman, todo-paalala at babala ang mga eksperto na maging mapanuri bago mag-share ng balita o impormasyon na nakikita sa social media upang maiwasan ang pagkalat ng fake news.


Ngunit, paano kung hanggang ngayon ay marami pa rin talagang hirap sa pagtukoy kung fake news o hindi ang kanilang ibinabahagi o pinaniniwalaan?


Kaugnay nito, lumabas sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 12 hanggang 16, 2021 na 51% ng adult Filipinos ang hirap tumukoy ng fake news.


Sa parehong survey, tumaas nang 67% ang bilang ng mga indibidwal na nagsasabing malaking problema ang fake news sa social media kumpara sa 58% noong 2017. Habang umabot naman sa 69% ang mga nagsasabing may problema sila sa pagtukoy sa fake news sa traditional media kumpara sa 60% noong 2017.


Samantala, 8% lamang ang nakakuha ng perfect score sa fake news quiz na ginawa ng Ateneo Policy Center.


Sa totoo lang, matagal nang problema ang fake news, at sa halip na matuldukan ito, nakadidismaya dahil lalong lumalala. Gayundin, nakababahala na sa panahong ito, napakarami pa ring nabibiktima ng fake news.


Dahil sa kabila ng paulit-ulit na paalala, ‘di maiwasang mabiktima ng iba. Ang masaklap pa, maging ang mga kapamilya o kakilala ay nadadamay dahil naibabahagi pa ang peke o maling impormasyon.


Kung patuloy na mabibiktima ng fake news ang marami sa atin, ano na lang ang mangyayari?


Kaya naman, muling nanawagan ang mga eksperto sa publiko na suriing mabuti ang website o account kung saan nagmula ang balita.


Pero ‘pag hindi sigurado kung ito ay lehitimo, mabuting ‘wag na munang ibahagi upang maiwasan ang pagkalat ng impormasyon.


‘Ika nga, 2022 na, hindi na tayo dapat magpabiktima sa fake news.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page