Malakasang PVL Semis: Cargo Movers vs. CCS
- BULGAR
- Mar 18, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | March 18, 2023

Laro ngayong Sabado (Philsports Arena, Pasig City)
4:00 n.h. – F2 Logistics Cargo Movers vs Creamline Cool Smashers
6:30 n.g. – Petro Gazz Angels vs PLDT High Speed Hitters
Hindi maipagkakailang isa sa mga pinakamahigpit na bakbakan sa preliminaries ang tapatan ng No.1 ranked Creamline Cool Smashers at No.4 F2 Logistics Cargo Movers, kung saan ibinigay ng huli ang nag-iisang pagkatalo nito sa eliminasyon, na kanilang ipagpapatuloy sa pagsisimula ng best-of-three semifinal battle ngayon, habang maghaharap din sa Final 4 ang No.2 Petro Gazz Angels at No.3 PLDT High Speed Hitters sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maituturing na labanan ng champion versus champion ang tapatan ng Creamline at F2 Logistics na parehong tagumpay sa professional league na unang nagtapat sa komperensiya noong Peb. 18 na umabot sa 5th set pabor sa Cargo Movers sa bisa ng 23-25, 25-18, 16-25, 25-23, 16-14 na pinagbidahan ni newcomer Myla “Bagyong” Pablo sa 27 puntos mula sa 22 atake at 5 blocks.
Subalit ang two-time conference MVP ay may inindang cramps na at sinusuri pang mabuti, habang patuloy ding nakatengga sa bench si Alyssa Valdez para sa Creamline dahil sa knee injury.
“Actually, okay na naman na, now no more pain, we’re just try to get her back, more on rehabs, but no more pain. But hopefully she can play tomorrow,” pahayag ni F2 head coach Regine Diego nang maging pangunahing bisita sa Bulgar Sports TV: Sports Beat kahapon ng umaga. “I’m not sure, we will see, but our players are all ready. Okay lang go, maglaro kung sinong ready.
Everybody is ready, and everybody has the skills. I just wish na lahat sila will have a good playing game tomorrow kasi di naman lahat good game all the time,” dagdag ng dating DLSU player.
Maaaring humalili sa iiwang puntos ni Pablo sina Ara Galang, Elaine Kasilag, Cha Cruz-Behag at Ivy Lacsina, habang patuloy na babanat para sa F2 sina Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Aby Marano, Kim Fajardo, Iris Tolenada at bagong kasal na si Dawn Macandili.
Pangungunahan naman ang Cool Smashers nina back-to-back conference MVP Tots Carlos, heavy hitter Jema Galanza, Michelle Gumabao, Jeannet Panaga, Celine Domingo, Kyla Atienza, at ace playmaker Julia Morado-De Guzman.








Comments