Malacañang, Senado, Kamara, ‘di pinag-uusapan ang giyera, pero aksyon at desisyon, buwelo sa digmaan
- BULGAR

- May 20, 2024
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | May 20, 2024

Kaliwa’t kanan ang biyahe at state visit ng mga lider ng iba’t ibang bansa.
Isang sintomas ito ng namumurong giyera-mundial.
----$$$--
TATLO ang posibleng agenda ng mga usapan.
Una, makadepensa sa nararanasang world economic meltdown — na isang aktuwal na ugat ng mga nakaraang digmaang pandaigdig.
----$$$--
IKALAWANG dahilan ay ang pagtatangka ng bawat lider na maiwasan ang “hindi” na maiiwasan pang World War 3.
Nagkakaisa ang lahat: Petsa lang ang inaantay — taon, buwan o araw.
----$$$--
IKATLO, nagpapakiramdaman ang mga lider pero lihim nang nag-aalyansa at nagmamaniobra sa aktuwal na giyera-mundial.
Mapapansin ito sa mabilisan at apurahang pagpupundar ng mga gamit panggiyera.
----$$$--
ANG Pilipinas ay kasama sa aktuwal na naghahanda sa giyera dahil sa pamamakyaw ng mga kasangkapan sa digmaan.
Diretso rin sa pakikipag-usap sa lider ng mga makapangyarihang bansa.
Siyempre, kasama sa usapan ang “economic component”.
----$$$--
KUNG naghahanda o nagpeprepara ang mga lider ng bansa o iba’t ibang gobyerno sa “napipintong digmaan”, ilang grupo ba ng mga pribadong tao naman ang naghahanda sa “contingency”?
Mayroon ba?
-----$$$--
ANG benta ng mga sosyo o paglilipat ng puwesto ay isang lihim na preparasyon.
Mapapansin din ang paghahanap ng “second country” kung saan pinakaligtas ang sitwasyon at siyempre, pinakaligtas ang negosyo.
----$$$--
SA pagpili ng santuwaryo o mapagtataguan o malilipatang lugar ang unang batayan ay ang pagtukoy kung aling geographical location — ang tinatawag na “hot spot”.
Ang hotspot ay lugar kung saan may mga girian ang malalaking bansa na dapat iwasan.
Kasama riyan ang West Philippine Sea, Middle East at ilang lugar sa Europe at Africa.
----$$$--
SA Pilipinas, tulad sa panahon ng COVID, pinakaligtas ang pagbabalik o pag-uwi sa mga liblib na probinsya.
Siyempre, dapat umiwas sa mga lugar kung nasaan ang mga kampo ng military.
----$$$--
DAPAT nating maunawaan na sa panahon ng krisis o digmaan, hindi lahat ay nagdarahop.
Maraming sitwasyon na may mga “biglang yumayaman” dahil sa pambihirang oportunidad na lumilitaw.
-----$$$--
HINDI pinag-uusapan sa Malacañang, Senado o Kamara ang posibleng maniobra sa giyera-mundial.
Pero, ilan sa kanilang aksyon at desisyon ay buwelo sa digmaan.
----$$$--
AASA ba o sasandal ang mga sibilyan sa gobyerno sakaling magdesisyon silang magprepara o gumawa ng sari-sarili nilang contingency?
Paano ang mga nagdarahop, tatanghod na lang ba sila at magdarasal nang “walang patid”?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments