top of page
FRANKLY - ANAK NI PATRICK, LALONG NA-BASH AT NA-BULLY-IG _onlypatrickgarcia.jpg

Malabo na yata ang kredibilidad ng COMELEC

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 6, 2022
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 06, 2022



Nagretiro na noong Miyerkules, ika-4 ng Pebrero si Commissioner Rowena Guanzon ng Commission on Elections (COMELEC). Maaalala natin kung paano binatikos ng matapang na Commissioner kasama si Commissioner Aimee Ferolino, dahil sa diumano’y pagpapatagal nito ng pagpasa ng desisyon sa diskuwalipikasyon ni BBM. Ipinahayag din ni Guanzon ang “tagong kamay” mula Senado na nakikialam sa mga proseso at desisyon ng COMELEC.


At nangyari na ang ikinatatakot ni Guanzon. Nakapagretiro na siya na hindi nagpapasya ang Unang Dibisyon ng COMELEC. Hindi aksidente ang pagpapatagal sa nangyari.


Malinaw na sinadya ito para hindi makaboto si Guanzon. At kung totoong may nakikialam sa mga proseso at desisyon ng COMELEC mula Senado, malaki ang mababawas sa integridad ng COMELEC.


Ayon kay James Jimenez na tagapagsalita ng COMELEC, hindi apektado ang kredibilidad ng COMELEC sa mga ipinahayag ni Guanzon. “Palagi naman itong nakikita at naiintindihan na karaniwan lang ang “delay” o pagkakaantala sa COMELEC. At hindi namin ginagamit ang salitang delay (pagkaantala) sa COMELEC kung wala namang pinag-uusapang deadline,” paliwanag ni Jimenez.


At ano naman ang gagawin ni dating COMELEC Commissioner Rowena Guanzon sa kanyang pagretiro? Ibibigay aniya ang kanyang panahon at talino sa “Voters’ Education”.


Magandang ideya ito, pero kung meron pang panahon. At malinaw palagi kung paano kumilos ang administrasyon at ang lahat ng kaalyado nito.


Ibang kumilos ang ibang sangay ng lipunan, lalo na ang mga batayang sektor kompara sa pagkilos ng mga ahensiya ng pamahalaan. Tama si Jimenez, “walang deadline” at hindi naman nagtataka o nagugulat ang mga taga-COMELEC sa anumang nangyayari sa kanilang ahensiya.


Marahil, maririnig ang ganitong mga paliwanag mula sa iba’t ibang tagapagsalita ng mga ibang sangay ng pamahalaan. Walang krisis dito. Normal lang ang delay. Normal lang na walang deadline.


Normal lang na walang transparency, walang bukas at regular na paglalahad ng mga natapos at ginastos, atbp at walang pananagutan (accountability) sa pagtupad ng responsibilidad sa mamamayan at bayan.

Bagama’t maganda at mahalaga ng layunin ni Guanzon sa kanyang pagretiro, hindi ito ganun kadali. Basta mo na lang ba matutulungang umunawa ang mga nasanay na sa karaniwang uri ng pag-iisip at pagkilos? Paano ba mag-isip ang ibang Commissioner?


“Voters’ education ang nais pagtuunan ng pansin ng bagong retiradong COMELEC Commissioner Guanzon. Eh, paano ang “edukasyon” ng mga COMELEC Commissioners?


Abogado man ang karaniwang nagiging COMELEC Commissioner, ngunit kapag pumasok na sila sa “sistema” o sa kalakaran ng COMELEC, tila nagbabago ang kanilang pananaw maging ang kanilang moralidad. Mapagkakatiwalaan pa ba ang COMELEC?


Meron pa ba tayong inaasahang iba sa COMELEC ngayong alam ng marami ang mga lihim, ngunit tunay na pangyayari sa loob ng COMELEC.


Isang maliit, ngunit mahalagang bahagi ng sistema ang COMELEC.

Baka higit na magandang gawin ay higit pa sa edukasyon ng mga botante ay ang edukasyon at paghuhubog ng mga Commissioner ng mismong COMELEC. Aanhin ang voters’ education kung meron namang nangyayaring “magic” sa loob ng COMELEC at sa iba’t ibang presinto sa panahon ng halalan?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page