ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 27, 2024
Konting panahon na lamang ay lalarga na ang mga modern jeepney o e-jeep sa mga lansangan sa bansa na mula sa Korea.
Ito ang naging pahayag ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson bilang tulong sa Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) kung saan kanyang pinondohan ang mga modern jeepney.
Ayon kay LTOP President Orlando Marquez, may sagot na sa kanilang problema hinggil sa PUV modernization ng pamahalaan matapos na iaprub ni Singson ang nasa 500 e-jeep na galing Korea.
Sinabi ng dating mambabatas na handa siyang tumulong sa naturang PUV modernization para hindi naman tayo mapag-iwanan, habang ang modern jeepney na kanilang ilalabas ay inspired sa tradisyunal na pampasaherong dyip, pero ito ay nilakihan at airconditioned. Aniya, ang kanyang kumpanya ang magsusuplay ng unit sa mga operator, kung saan nasa P1 milyon ang halaga ng bawat e-jeep na papahulugan sa mga interesado at nakatakdang dumating sa March.
Binigyang-diin din ni Singson na ang naturang modern jeepney ay walang downpayment, zero interest at mababa ang amortization habang ang magma-manage nito ay ang LTOP. Gayunman aniya, gusto niyang maging seryoso ang mga driver sa paghuhulog nito buwan-buwan upang magkaroon din uli ng pondo para sa susunod na unit pang e-jeep na kanilang bibilhin.
At dahil sa electric ay inaayos na ng LTOP ang mga charging station ng modern jeepney na made in Korea, pati na rin ang mga parking station ng mga ito.
Maglalagay din sila ng mga charging station sa kanilang mga terminal. Pahayag ni Marquez, umaasa silang magkakaroon sila ng mas malaking kita na kanilang maiuuwi para sa mga pamilya habang nakakasunod pa sa ipinapatupad na PUV modernization ng gobyerno.
Malaking tulong talaga ito sa ating mga driver na hindi kayang magbayad ng downpayment ng mga e-jeep.
Magiging maluwag para sa kanila ang paghulog ng mga ito buwan-buwan at walang interes na ipinatutupad. Panawagan lang natin sa ibang operator na samantalahin sana nila ang mga ganitong loan program para naman mapalitan ang kanilang lumang jeepney at makasabay rin tayo sa modernisasyon ng mga PUV.
Patuloy din sana ang pagsuporta natin sa anumang proyekto at programa para sa kapakanan at kapakinabangan ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments