Makunat at matibay na Santiago, binigo si Donaire
- BULGAR
- Jul 31, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | July 31, 2023

Dismayado at bigong masungkit ni dating four division World champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire ang dating titulo at bakanteng World Boxing Council (WBC) bantamweight title laban sa mas determinadong Mexican fighter na si Alejandro “Peque” Santiago para sa unanimous decision kahapon sa 12-round title match sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nabigong pahangain ng 40-anyos na Fil-Am ang tatlong hurado na sina Max De Luca (113-115), Chris Migliore (112-116) at Steve Weisfeld (112-116) na pinaboran lahat ang mas batang Mexican boxer na nagpamalas ng agresibong atake sa rami ng pinaulang suntok upang makuha ang ikaapat na sunod na panalo at ang kauna-unahang titulo matapos mabigong maagaw ang IBF super-flyweight title kay Jerwin “Pretty Boy” Ancajas noong Setyembre 2019 na nagtapos sa tabla.
“Disappointed,” bulalas ni Donaire (42-8, 28KOs) matapos ang laban. “But first and foremost, thank you everybody out there to all the people who supported me and came out here, this is a blessing for me to do this for a very long time, so I feel good still. Congrats to Alejandro, he deserves it, he’s a tough guy,” dagdag ni Donaire na 13 buwang nabakante matapos malasap ang malagim na second round TKO laban sa Pound-for-Pound titlist at unified WBC at WBO junior featherweight kingpin Naoya “The Monster” Inoue noong Hunyo 2022.
Mariing sinabi ng tubong Talibon, Bohol na hindi pa siya magreretiro dahil marami pa itong natitirang lakas para sumabak, subalit aminado itong hindi niya nagawang masunod ang game plan, gayundin ang pamatay na knockout punch kontra sa makunat at matibay na si Santiago (28-3-5, 14KOs).








Comments