Makati vs. Taguig, matatapos lang ‘pag nirespeto at sinunod ang batas
- BULGAR
- Aug 20, 2023
- 1 min read
@Editorial | August 20, 2023
Bago sumiklab ang nagpapatuloy na agawan sa teritoryo ng Makati at Taguig, mayroon na ring ganitong senaryo sa pagitan ng dalawang lalawigan sa bansa.
Kung 30 taon nang may isyu ang Makati at Taguig, mahigit doble naman nito o kabuuang 67 ang sa Province of Quezon at Camarines Norte. Gayunman, sa kabila ng halos pitong dekada, ay naayos pa rin ang gulo na idinaan din sa korte.
Sa November 1989 decision ng Supreme Court, kung saan niresolba ang territorial dispute sa pagitan ng Quezon at Camarines Norte, at idineklara na ang kinukuwestiyong 9 na barangay ay nasa hurisdiksyon ng huli.
Hindi rin naging madali na tanggapin ng mga local officials ang desisyon na nagresulta pa sa pagpapataw ng contempt at mga isyu ng delaying tactics.
Kaya masasabing mayroon nang mga jurisprudence o naunang desisyon partikular ang Korte Suprema pagdating sa mga territorial dispute. Kumbaga, mayroon nang magagamit na gabay.
Kung ang desisyon ng SC ay mapunta na sa Taguig ang ilang barangay mula Makati at
nagpasyang hindi na tatanggap ng anumang pleadings, motions, letters o anumang uri ng komunikasyon ukol sa kaso dahil nagkaroon na ng entry of judgment, sana ay irespeto at sundin na lamang.
Batid naman natin na ang desisyon ng SC ay “law of the land”. Kung hindi ito susundin, higit na apektado at dehado ang mamamayan.
Huwag sanang hayaan na maipit ang publiko sa simple lang naman na problema pero pinalalala ng pulitika.
Dapat nang tapusin ang Makati vs. Taguig para na rin sa iwas-tensyon sa mga residente.
Kung kailangan nang kumilos ng ibang ahensya ng gobyerno para maayos ang gulo, gawin na.



Comments