Makati Defenders, nakalusot; Lady Generals, sakalam sa WNBL
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 29, 2022

Patuloy ang pagpapakitang-gilas ng Pampanga Delta at naitala ang 2nd win sa Narvacan Panthers, 110-74, sa 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng FSD Insurance at Converge mula sa Bren Z. Guiao Convention Center Linggo ng gabi. Hindi nagpahuli ang FSD Makati Defenders para sa unang tagumpay sa liga matapos lusutan ang wala pa ring panalong Cagayan Valley Water Buffalo, 89-86.
Mula sa 58-58 tabla, mahigpit na depensa ang susi ng Delta at nilimitahan lang ang Panthers sa 2 free throw lang sa huling 8 minuto ng 3rd quarter at itayo ang 79-60 na lang papasok sa 4th quarter. Lalong tumindi ang laro ng Pampanga at ang 110-74 ay siya ring pinakamalaking lamang sa buong laro.
Nagtapos na may 25 puntos si Michael Jeffrey Garcia upang maging unang manlalaro na magwagi ng Krooberg Best Player ng dalawang beses. Walang kabang ipinasok ni Laurenz Paul Victoria ang dalawang free throw na may 36 segundong nalalabi, 89-85, at kumapit ang Defenders sa gitna ng huling hirit ng Water Buffalos. Natawagan ng shot clock violation ang Makati subalit nagmintis ang tres ni Dahrrel Caranguian na magtatakda sana ng overtime.
Napiling Best Player si Victoria sa bisa ng 23 puntos. Ang dating guwardiya ng Mapua University ang numero uno sa NBL sa puntusan matapos magsabog ng parehong 36 puntos sa unang dalawang laro.
Sa Women’s National Basketball League (WNBL), nanatiling walang talo sa tatlong laro ang numero unong Taguig Lady Generals matapos manaig sa Philippine Army Lady Battalion, 64-62. Umiinit din ang Go For Gold Navy Lady Sailors sa ikalawang sunod na panalo kontra STAN Quezon Lady Spartan, 65-56.





Comments