MAKABATA Helpline 1383, tutugon sa mga sumbong ng mga batang inaabuso
- BULGAR

- Jul 13
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 13, 2025

Sa mundong tila unti-unting napapabayaan ang mga kabataan, isang magandang balita ang pagkakaroon ng MAKABATA Helpline 1383 — isang konkretong hakbang ng gobyerno upang maitaguyod ang karapatan at epektibo ang proteksyon para sa mga batang nangangailangan ng tulong.
Pati sa digital age, kung saan ang pang-aabuso ay hindi na lang pisikal kundi umaabot na rin sa online spaces, ang pagkakaroon ng bukas at maaasahang linya ng komunikasyon ay higit pa sa hotline — isa itong lifeline. Kinilala bilang isang mahalagang inisyatibo ng pamahalaan ang nasabing programa dahil ito ay nagpapakita ng taos-pusong adhikain na ipagtanggol ang karapatan ng mga bata.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 79 na naisabatas noong Disyembre 2024 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pormal na naitatag ang MAKABATA Helpline bilang bahagi ng mas malawak na MAKABATA Program.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang hotline ay tutugon sa mga suliraning kinakaharap ng mga bata tulad ng pang-aabuso, bullying, mental health concerns, at iba pang anyo ng karahasan.
Bukod sa crisis intervention at emotional support, layunin nitong magbigay ng direktang access sa mga serbisyong makatutulong sa mga kabataang nangangailangan. Ang nasabing programa ay hindi lamang para sa mga menor-de-edad kundi pati na rin sa mga 18-anyos pataas na may pisikal o mental na kapansanan, na hindi kayang pangalagaan ang sarili. Sinasaklaw nito ang mga kaso ng child labor, trafficking, online sexual exploitation, at maging ang mga batang may HIV.
Ang Council for the Welfare of Children (CWC), na nasa ilalim ng DSWD, ang mangunguna sa koordinasyon at implementasyon ng nasabing programa sa tulong ng mga partner agencies, NGOs, at private stakeholders.
Sa ating lipunan, tila maraming tinig ang nananatiling tahimik dahil sa takot o kawalang tiwala sa sistema, at ang isang bukas at tumutugon na helpline ay simbolo ng pag-asa.
Hindi ito simpleng numero ng telepono na maaari lang tawagan — ito ay tulay tungo sa kaligtasan at kabutihan ng mga bata.
Marahil sa ganitong programa, makakaramdam na ng higit na pag-asa ang mga kabataang nakaranas ng pang-aabuso at kapabayaan, anuman ang dulot na ingay ng pulitika, teknolohiya, at iba pa, hindi nila malilimutan na minsa’y tinulungan sila upang makaahon sa malupit na sinapit sa buhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments