Majority Pinoy, diskuntento sa Marcos admin kaya sa survey mas mataas ang rating ni VP Sara kaysa kay P-BBM
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 11, 2024
KAYA MAS MATAAS ANG RATING NI VP SARA KAYSA KAY P-BBM KASI DISKUNTENTO ANG MAJORITY PINOY SA PAGPAPATAKBO NG MARCOS ADMIN SA PAMAHALAAN -- Sa latest survey ng Pulse Asia ay lumabas na pito sa sampung Pinoy ang diskuntento o nagsabing palpak ang pagpapatakbo ng Marcos administration kaya’t ubod ng taas ang inflation rate (mataas na presyo ng mga bilihin at bayarin) sa bansa.
Marahil, ‘yan ang dahilan kung kaya’t sa hiwalay na survey ng Pulse Asia ay mas mataas ang approval at trust rating ni Vice President Sara Duterte-Carpio kaysa kay P-BBM, period!
◘◘◘
PAG-APRUB AGAD NI P-BBM SA KAGUSTUHAN NI EX-P-DUTERTE NA MAGKAUSAP SILA, PAGPAPATUNAY NA POWERFUL PA RIN ANG EX-PRESIDENT -- Nais ni ex-P-Duterte na makausap nang personal si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) tungkol sa pagsuspinde ng National Telecommunication Commission (NTC) at sa iba pang isyu sa bansa, at ayon kay Presidential Communication Office (PCO) Sec. Cheloy Garafil ay aprub daw ito sa Presidente at katunayan nga raw ay si P-BBM pa ang tatawag sa ex-president para i-set ang kanilang pag-uusap.
Ang sinabing ‘yan ni Sec. Garafil na si P-BBM pa ang tatawag sa ex-presidente kung kailan nito nais na sila magkausap ay patunay na totoo ang sinabi noon ni presidential sister, Sen. Imee Marcos na powerful pa rin si ex-P-Duterte, boom!
◘◘◘
P-BBM, ‘TAKOT’ KAY EX-P-DUTERTE? KASI APRUB AGAD SA PRESIDENTE ANG KAGUSTUHAN NG EX-PRESIDENT NA MAKAUSAP SIYA -- Sa social media ay may mga netizens ang nag-comment na ang pagpayag ni P-BBM sa kagustuhan ni ex-P-Duterte na makausap siya ay pagpapakita na may takot ang presidente sa ex-president kasi ang daming problema ng bansa na dapat solusyonan ng Marcos administration, pero isang salita lang ng dating pangulo na gusto siyang makausap, pumayag agad ang kasalukuyang pangulo.
Sa totoo lang, may dahilan naman si P-BBM na masindak siya kay ex-P-Duterte kasi kilala ang dating pangulo na mabunganga, at marahil ay ito ang ikinatatakot ng presidente, na bungangaan siya ng ex-presidente kung iisnabin niya ang kagustuhan nito na makausap siya, period!
◘◘◘
MAY NAGPATONG BA SA PER UNIT NA PRESYO NG E-JEEP NA MADE-IN-CHINA? -- Nagtaka ang publiko sa ubod na mahal na presyong P2.9 million ng per unit ng electric jeep na gawang China na nais ng Dept. of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibenta sa mga transport group sa ilalim ng PUV modernization program.
Kilala kasi ang China na mura ang pagbenta sa mga gawa nilang produkto kaya’t marami ang bumibili sa mga produktong made-in-China, tapos pagdating sa e-jeep ay ubod ng mahal.
Kaya’t tama ang naging aksyon ng Senado at Kamara na imbestigahan ang DOTr at LTFRB, at baka sakali matumbok nila na may “nagpatong” ng presyo sa e-jeep na made-in-China, boom!





Comments