ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 7, 2024
DAGDAG-SUWELDO SA MGA GURO PATUNAY NA MAY MALASAKIT SI SEC. SONNY ANGARA SA MGA TITSER NG BAYAN -- Inanunsyo ni Sec. Sonny Angara ng Dept. of Education (DepEd) na maibibigay na ngayong September ang dagdag-sahod sa mga public school teacher sa bansa.
Hindi nagkamali si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa pagtalaga kay Sec. Angara sa DepEd kasi ang abiso na iyan ng ahensya ay pagpapakita na may malasakit siya sa kapakanan ng mga titser ng bayan, palakpakan naman diyan!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN NG QUAD-COMMITTEE KUNG SA MABUTI O MASAMA GALING ANG P3M LAMAN NG JOINT BANK ACCOUNT NINA ROQUE AT POGING DELA SERNA -- Dapat imbestigahan ng Quad-Committee ng Kamara kung saan galing ang P3 million halaga na joint bank account nina former presidential spokesman Harry Roque at dating staff niyang pogi na si AR Dela Serna para malaman kung ang perang ito ay nagmula sa mabuting paraan o sa masama.
Ang nais nating ipunto rito ay baka galing sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) iyang perang ‘yan na nasa joint bank account nina Harry Roque at Dela Serna, na ‘ika nga, kapag ‘yan ay galing sa illegal POGO, dapat kumpiskahin ng gobyerno at saka kasuhan, huwag lang ang dating presidential spokesman ang sampahan ng kaso, kundi pati ang pogi niyang dating staff, boom!
XXX
ANUNSIYO NG BSP AT PSA NA NANANATILING MABABA ANG INFLATION RATE SA ‘PINAS, SABLAY! -- Sablay ang inanunsiyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Statistics Authority (PSA) na last month (August) ay nanatili raw sa 3.3% ang inflation rate sa ‘Pinas, na ang gusto nilang palabasin, nananatili umano ang mababang presyo ng mga bilihin at bayarin sa bansa.
Ang dapat kasing inanunsiyo nila ay noong nakaraang buwan nanatiling mataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin, kasi ‘yun naman talaga ang totoo, at hindi ‘yung nananatiling mababa ang presyo ng mga goods, period!
XXX
12 ONION CARTEL SA ‘PINAS, MAIPAKULONG KAYA NG MARCOS ADMIN? --Nagsampa ng kaso sa korte ang Philippine Competition Commission (PCC) laban sa 12 negosyante na sangkot sa onion cartel dahil nagsabwatan daw ang mga ito para papataasin ang presyo ng sibuyas sa bansa.
Tingnan nga natin kung magagawa ng Marcos administration na maipakulong ang 12 negosyanteng ito na sangkot sa onion cartel sa ‘Pinas, abangan!
Comments