top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Maikli at walang katiyakang buhay, mahalagang aral na ibinigay ng pandemya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3, 2020
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | November 3, 2020



May panahon at proseso ang pagpanaw. Kung ang karamihan ay ipinapanganak, pinalalaki, inaalagaan, pinag-aaral, inihahanda sa piling karera, nag-aasawa, nagkaka-anak, nagpapalaki rin ng anak, unti-unting tumatanda hanggang naabot ang dulo at katapusan ng buhay, pumanaw, ibinurol, inilibing o ikri-nimate.


Subalit hindi ganito ang karaniwang katapusan ng buhay. Hindi dumaraan sa “pinahabang proseso” ng pagdalaw sa humihina o naghihingalong kamag-anak, pagsama at pag-alalay sa kanyang huling sandal, pagsaksi sa huling hininga, pag-aayos ng burol, pagburol ng ilang araw mula tatlo hanggang isang linggo o mahigit pa at sa wakas ay ang malungkot na araw ng pamamaalam sa paglibing sa mahal sa buhay. At susundan pa ito ng sunud-sunod na ritwal ng pagluluksa hanggang pagbababang-luksa mula ika-siyam hanggang ika-40 araw na matatapos sa unang anibersaryo ng kamatayan, na siya na ring pagbababang-luksa.


Nakakapagod ang isinalarawan nating proseso. Subalit, alam ng karaniwang Pinoy na hindi nakakapagod ang paglalamay at pagluluksa para sa mahal sa buhay. Bahagi ito ng buhay at niyayakap ang proseso at panahong nakalaan para sa yumaong kamag-anak. Kumpara sa ibang bansa, isa tayo sa bansang ito ang merong pinaka-mahabang lamay para sa mga yumao.


Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon, nabago ang lahat dahil sa COVID-19. Napakaraming namatay na hindi nasamahan sa huling sandali ng kanilang mahal sa buhay.


Sa bilis ng mga pangyayari, paano maglalamay at magluluksa ang mga kamag-anak kung ni anino ng namatay ay hindi sila napahintulutang tumingin o sumulyap? Taliwas sa kulturang Pinoy. Mabilis, artipisyal ang madaliang burol, cremation o libing ng mahal sa buhay. Sa ayaw at gusto ng namatayan, kailangang matutuhan aga’t agad ang maikling panahon ng pamamaalam. Tila napabilis ang takbo ng oras sa mismong dulo ng buhay at sa mismong katapusan nito. Kung sa karaniwang burol, ayaw nating matapos ang lamay dahil hirap tayong bitiwan ang mahal na yumao, sa kasalukuyang protocol ay kailangang pigilan at timpiin ang pagluluksa at pagdadalamhati.


Kung merong mahalagang aral na ibinibigay ang sitwasyong ito, ipinapaalala nitong tunay na maikli at walang katiyakan ang buhay, kaya’t kailangang pagpahalagahan ito hangga’t maaari sa bawat sandali ng buhay.


Sa kabilang banda, tuwing ika-26 ng bawat buwan, ipinagdiriwang ng pamilya ni Dok Sally Gatchalian ang kanyang kamatayan at pagbalik sa Panginoon. Ika-pitong manggagamot si Dok Sally na namatay sa COVID-19. Marso 15, linggo ay nagbigay ng panayam tungkol sa COVID-19 sa parokya ng San Isidro Labrador sa Barangay Pinyahan. Marso 16, sumama ang pakirandam nito at hindi na pumasok. Marso 17, nahirapan nang huminga. Marso 18, itinakbo na sa ospital. Marso 26, binawian na ng buhay. Tuwing ika-26 ng bawat buwan, binubuhay ba ng kanyang pamilya ang ala-ala ng yumaong doktor? O, sinisikap kilalalin at damhin ang kakaiba’t mas malawak at mas malalik na buhay na pinasok at tinanggap ng pumanaw nang mahal sa buhay?


Tunay na maikli at mabilis ang pagdaan ng ating buhay sa mundong ito. Bigyang-pansin ang bawat sandaling naririto tayo sa piling ng iba sa mundong ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page