Mahuhusgahan sa panahon ng kalamidad ang tunay na pagkatao ng kandidato
- BULGAR
- Jan 3, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | January 03, 2022
NORMAL na natin ang maulang Pasko nitong mga nakaraang taon.
Ilang bagyo nitong nakaraang 12-taon ang dumating at nagdulot ng malawakang pinsala sa bansa sa pagdating ng 'ber' months, tulad ng "Yolanda", "Ulysses" at "Sendong".
◘◘◘
PINAKAHULI ang Bagyong Odette, naiba dahil nangyari ito nang papalapit na ang pambansang halalan.
Huling nangyari ito noong 2009 nung tumama ang Bagyong Ondoy sa Metro Manila.
◘◘◘
SA mga pulitikong tumatakbo para sa mga puwestong nasyonal, hawig ang kanilang reaksiyon sa Odette at Ondoy.
Sa isang iglap, ibininbin ang mga kampanya at nagsagawa ng kani-kanyang relief operations ang mga kandidato para sa mga apektado ng sakuna!
◘◘◘
SA mga nakaraang araw, puno ang social media feed natin ng mga paghahambing sa mga ginagawa ng mga presidentiable, at kung anong klaseng pagtulong ang ginagawa nila para sa mga biktima ng bagyo.
Karamihan ng mga kandidato ay nagpo-post ng kanilang mga ginagawa, lugar na nabisita at taong nakasalamuha nila.
◘◘◘
ANG nakaagaw ng pansin natin ay ang post ni Vice-President Leni Robredo, na nagsimula siya sa pagpo-post ng pagdagsa ng mga volunteer at donasyon sa kanyang campaign headquarters, na isa na ngayong relief hub.
Normal lang 'yun, pero post niya sa ibang relief operation ang umagaw ng pansin.
◘◘◘
NAG-POST si Robredo ng mga litrato kung saan ipinakitang aktibo na siya sa relief operations kahit noong pang 2006 noong tumama ang Bagyong Reming sa bansa.
Ipinakita ng unang litrato si Robredo, na bahagi noon ng alternative law group na SALIGAN, na tumutulong magbigay ng tubig para sa inumin ng mga biktima ng "Reming".
◘◘◘
MADALAS nating madinig na matatag ang mga Pilipino, at kayang harapin ang anumang pagsubok na ihaharap sa atin, pero di pa ba tayo napapagod sa pagtitiis nang paulit-ulit?
Ipinapakita ng typhoon operation ni VP Leni kung anong klase siyang pinuno.
◘◘◘
KUNG isama natin sa katatagan ang mahusay na pinuno, masasabi nating tunay na walang bagyo, lindol o sakuna na tatapat sa lakas ng Pilipino.
Mahuhusgahan sa panahon ng kalamidad ang tunay na pagkatao ng kandidato.





Comments