top of page
Search
  • BULGAR

"Mahirap pero hindi imposible ang manalo"- Coach Chot

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 29, 2023



Laro ngayong Martes:

4:00 PM Angola vs. Dominican Republic (Araneta)

4:45 PM Ehipto vs. Mexico (MOA)

8:00 PM Pilipinas vs. Italya (Araneta)

8:30 PM Montenegro vs. Lithuania (MOA)


Buhay pa ang pag-asa ng Gilas Pilipinas na makapasok sa Round 2 ng 2023 FIBA World Cup subalit hindi nila hawak ang buong kapalaran. Tuloy pa rin ang laban ng pambansang koponan ngayong araw laban sa peligrosong Italya simula ng 8 p.m. sa Araneta Coliseum.


Unang-una, kailangang makisama ang Dominican Republic at talunin ang Angola sa pambungad na laban ng 4:00 ng hapon. Pagkatapos nito, hindi lang simpleng tagumpay ang dapat makamit ng mga Pinoy kundi ito at dapat lumamang sa mga Italyano ng 12 o higit na puntos upang manaig sa tablang malilikha kasama ang Angola at Italya sa 1-2 panalo-talo.


Mahirap ngunit hindi imposible. Para kay Coach Chot Reyes, tanggap nila ang kung ano man ang naibigay sa kanila at iyan ang magiging batayan ng kanilang diskarte.


Samantala, paglalabanan ng Montenegro at Lithuania ang liderato ng Grupo D sa Mall of Asia Arena ng 8:30 ng gabi. Parehong pasok na ang dalawang bansa sa Round 2 sa bisa ng kanilang kartadang 2-0.


Bago noon, konsuwelo at unang tagumpay ang hahanapin ng Mexico at Ehipto sa kanilang salpukan sa 4:45 ng hapon. Noong Lunes, nanaig ang mga Montenegro sa Ehipto, 89-74, at tagumpay ang Lithuania sa Mexico, 96-66.


Sa iba pang resulta sa Grupo H, pinauwi ng Latvia ang paboritong Pransiya, 88-86, sa Indonesia Arena. Pasok na ang mga Latvian sa Round 2 at maagang nagpaalam ang mga Pranses matapos yumuko din sa Canada noong Sabado, 65-95.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page