top of page
Search
  • BULGAR

Mahigpit na GCQ, hamon ulit sa mga negosyante

ni Ryan Sison - @Boses | July 28, 2021



Sa kabila ng iba’t ibang hamon na dala ng COVID-19 pandemic sa bansa, kani-kanyang diskarte ang mga negosyo — maliit man o malaki — upang maibangon ang kanilang kabuhayan na lubhang naapektuhan.


Kapansin-pansing marami-rami nang negosyo ang balik-operasyon, kaya ibig sabihin, mas marami na ring manggagawa ang nakapagtatrabaho.


Ngunit sa isang idlap, apektado na naman ang mga ito dahil muling ipinatupad ang general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa National Capital Region (NCR).


Sa ilalim ng pinahigpit na GCQ, bawal lumabas ang mga may edad 5 hanggang 17 at ibinalik ang curfew sa alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw, na dahilan ng muling pag-adjust operating hours ng mga mall.


Gayundin, mula 50%, balik sa 20% ang indoor dining sa mga restoran, habang kalahating kapasidad pa rin ang puwede sa mga outdoor o al fresco area. Ang mga personal care services naman tulad ng mga salon at barberya ay balik sa 30% mula 50%.


Ayon sa isang grupo, ilang restaurant owners ang muling nagsara dahil sa pinahigpit na restrictions sa kabila ng kanilang investment sa pagbabakuna ng kanilang mga staff.


Dahil dito, umaapela ang grupo ng dagdag-kapasidad para sa fully-vaccinated customers.


Bagama’t sang-ayon ang local government units (LGU) na hirap na rin ang mga negosyo, kailangan ang pansamantalang paghihigpit para maagapan ang pagkalat ng Delta variant.


Samantala, marami ang umaasang panandalian lamang ang GCQ with heightened restrictions upang hindi tumindi ang epekto nito sa mga negosyo.


Sa totoo lang, hindi magiging madali ang mga susunod na araw para sa lahat, lalo na sa mga nagsisikap na maitaguyod ang kanilang negsosyo.


Gayunman, no choice kundi magtiis at magsakripisyo muna dahil ginagawa ang mga hakbang na ito bilang pag-iingat at maiwasan ang malalang epekto ng mas nakakahawang variant.


Sa ngayon, wala tayong magagawa kundi sumunod sa protocols at umasa na sa mga paghihigpit at karagdagang pag-iingat, nawa’y mapigilan ang pagkalat ng Delta variant.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page