Mahigpit na batas vs. financial scam, madaliin
@Editorial | Pebrero 24, 2024
Sa panahon ngayon na talamak ang modus o panloloko online, panahon na upang magkaroon ng mas mahigpit na batas laban sa financial scam.
Batid natin na mula nang tumama ang pandemya, maraming Pilipino ang umasa sa online financial transactions.
Gayunman, dahil sa pagtaas ng digital transactions, tumaas din ang bilang ng mga nabibiktima ng fraud o scam.
Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na noong nakalipas na linggo ay umabot sa 120 e-wallet account holders ang nawalan ng pera mula sa phishing scam.
May mga teacher din na nabiktima ng scam kung saan nawalan sila ng nasa P26,000 hanggang P121,000 dahil naibigay nila ang kanilang financial details.
Dahil dito, isinusulong ng isang mambabatas ang Senate Bill No. 2560 o Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na layong maprotektahan ang pinaghirapang pera ng publiko sa gitna ng paglipat sa online banking at digital payments.
Mas lalala pa raw kasi umano ang fraud at scam ngayong 2024 hanggang sa mga susunod pang taon kaya dapat lang na ito ay agapan na.
Huwag na nating hayaan na dumami pa ang mabiktima, at umaasa tayo na hahabulin at mapaparusahan ang mga masasamang loob.
Panawagan naman sa publiko, paulit-ulit tayong pinapaalalahan na ‘wag basta magtitiwala sa mga nakakausap sa online lalo na kung ito ay usaping salapi at ‘wag na magbibigay ng kahit anong impormasyon dahil ito ay ikakapahamak lang natin.



Comments