top of page
Search
  • BULGAR

Maharlika Investment Fund pirmado na, good luck!

@Editorial | July 19, 2023


Batas na ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill, matapos itong pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang seremonya sa Malacañang kahapon ng umaga.


Ang Maharlika ang kauna-unahang sovereign wealth fund ng Pilipinas na layuning mapalaki ang pondo ng bansa upang suportahan ang mga programang pang-ekonomiya.


Sa talumpati ni P-BBM, sinabi nitong handa na ang ‘Pinas para sa kaunlaran, katatagan at pagpapalakas ng bansa sa pamamagitan ng economic transformation at makabangon mula sa epekto ng pandemic.


Kaugnay nito, tiniyak naman ng Pangulo na ang pondo ng MIF ay pangangasiwaan ng isang taong may kakayahan, may magandang track record at integridad upang masigurong mapangalagaan ang pondo para sa tamang layunin.


Matapos malagdaan ang Maharlika, isusunod na umano ang pagbuo ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na siyang mangangasiwa sa pondo.


Inaasahan ang paunang pondo ng MIC na P75 billion paid-up capital ngayong taon, P50 billion dito ay mula sa Land Bank of the Philippines at P25 billion mula sa Development Bank of the Philippines.


Ang tanong, saan ipupuhunan ang pondo? Target umano na ipuhunan sa foreign currencies, fixed-income instruments, domestic at foreign corporate bonds, joint ventures, mergers and acquisitions, real estates at malalaking infrastructure projects na makakatulong sa pag-unlad ng bansa.


Sa lahat ng ito, isa lang naman ang hangarin ng publiko, ang huwag malagay sa alanganin ang bayan.


Kaya mahalagang tuparin ng gobyerno ang pangakong transparency, accountability at maayos na pangangasiwa sa Maharlika.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page