Maharlika Investment Fund, batas na
- BULGAR
- Jul 19, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 19, 2023
Anim na araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24 ay nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) upang maging isang ganap na batas ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Personal nating dinaluhan sa Palasyo ng Malakanyang upang saksihan ang makabuluhang pangyayaring ito na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas ay nagkaroon tayo ng sovereign wealth fund na dinisenyo para maiangat ang ekonomiya.
Ang halos isang oras na pagtitipon ay dinaluhan ng ilan sa ating mga kasama sa Senado, Kongreso at ilang opisyal na itinalaga sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na lahat ay nagpakita ng suporta sa napakagandang adhikaing ito ng gobyerno.
Mahigit isang buwan din ang hinintay bago tuluyang nilagdaan ni P-BBM na maisabatas ang MIF makaraang pumasa ito sa Kongreso na sinuportahan ng mayorya noong nakaraang Mayo 31.
Ang MIF na dating Maharlika Wealth Fund ay isang sovereign wealth fund na maaaring gamitin upang paglagakan ng domestic at foreign corporate bonds, commercial real states at infrastructure projects at iba pa.
Bago ang naganap na paglagda ay nagbigay ng maikling pananalita si P-BBM hinggil sa positibong dulot ng MIF at isinalarawan ito ng Pangulo bilang ‘extremely important measure’ at ‘bold step’ na isang malaking hakbangin ng pamahalaan upang mapalakas ang ekonomiya mula sa pagkakasadlak sa panahon ng pandemya.
Matatandaan na noong Disyembre 2022, sa kasagsagan na tinatalakay ng House of Representatives at Senado ang MIF, ipinaliwanag na ang proposed wealth fund ay tinawag na kapaki-pakinabang at magiging bentahe para sa buong Pilipinas.
Kalagitnaan ng Disyembre bago magbakasyon para sa holidays, sa pangunguna ni Speaker Romualdez ay buong giting na naaprubahan ang MIF sa Mababang Kapulungan bago iniakyat sa Senado kung saan ay umani rin ng suporta at pumasa ang naturang panukala.
Dahil sa pagkandili ng House sa bersyon ng Senado hinggil sa nabanggit na panukala ay naging mabilis na ang proseso sa bicameral conference committee level at ang lahat ay naging isa nang kasaysayan sa panahon ng 19th Congress.
Bagama’t hindi naman nabanggit ni P-BBM sa unang SONA ang MIF nang ilatag niya ang kanyang prayoridad na maisabatas sa kanyang termino ay ipinanalangin umano ng Pangulo na makapasa sa Mababang Kapulungan at Senado ang MIF na nangyari naman.
Napapanahon talaga ang MIF dahil ito ang magiging daan para mabuksan ang pintuan ng bansa na magkaroon ng access sa sovereign wealth fund community ng buong mundo upang umani ng exposure sa megatrends at cutting-edge technologies tulad ng revolutionary vaccines o fintech na hindi pa abot ng ating government research and development sa kasalukuyan.
Higit sa lahat, ang MIF ay binuo upang makapag-invest ng pondo sa iba’t ibang kumpanya at malalaking negosyo hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa global investment market para kumita at sa huli ay magkaroon ng pagkukunan ng panggastos sa mga proyekto at development ng bansa.
Sa ganitong paraan ay malaki rin ang maitutulong hindi lang sa ating mga imprastraktura dahil maging ang kalusugan at iba pang proyekto na makapagpapagaan sa ating kabuhayan ay matutugunan ng MIF.
Kasunod ng naganap na paglagda ay bubuuhin na ang pagsasagawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) upang mapakinabangan na ang MIF sa lalong madaling panahon.
Hihimayin na rin ang pagtatalaga ng magiging miyembro ng Board of Directors at ng Management na may mga outstanding track record at mataas na integridad sa kanilang panunungkulan upang matiyak na magiging maayos ang MIF.
Maglulunsad na rin ng agresibong local at international investment marketing strategy upang maipakilala ang MIF sa mga potensyal at may kakayahan sa pinansyal na aspeto.
Sa kabuuan, binabati natin ang pamahalaan na sana ay maging matagumpay na marating ang lahat ng adhikain ng MIF sa lalong madaling panahon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments