Mahalagang paanyaya sa Café Jose!
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 09, 2022
Hindi pa man pari ang inyong lingkod nang matuklasan natinang kakaibang bookstore sa kalye ng Padre Faura. Napansin natin ang kakaibang pangalan ng bookstore – “La Solidaridad!
Ito kaya’y bookstore ng mga rebolusyunaryong Pinoy?
Ang La Solidaridad ay samahan ng mga Pinoy na napilitang umalis ng bansa noong 1972.
Marami sa mga ito ay mayroong progresibong pananaw at ang iba naman ay mag-aaral na nag-aaral sa Espanya.
Binuo ang La Solidaridad ng pinsan ni Jose Rizal na si Galicano Apacible noong ika-13 ng Disyembre, 1888. Binuo naman ang pahayagang La Solidaridad na pinamahalaan nina Graciano Lopez Jaena at Marcelo H. del Pilar. Ang layunin ng pahayagan ay ang pagsulong ng magandang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Espanya.
Dekada ‘70s nang pumasok tayo sa La Solidaridad. Hindi tayo nagsisi at ilang taon nang bumibili ng iba’t ibang libro nang naisipan nating itanong kung sino ang may-ari nito. “Si Mr. Frankie Sionil Jose po,” magalang na sagot ng empleyado. “Maari ko ba siyang makausap?,”
tanong ko sa empleyado.
Mula noon, nagsimula na ang pakikipagkaibigan natin sa mag-asawang Frank at Tessie Jose.
Madalas tayong maimbitahan ng mag-asawa na mananghalian sa mga kainan sa palibot ng La Solidaridad sa Padre Faura. Kasabay ng maganang pagkain ay ang mas maganang kuwentuhan tungkol sa iba’t ibang pangyayari sa lipunang Pilipino.
Dama natin palagi ang “kabitinan” dahil sa kakulangan ng panahon ng pagpapalitan at higit sa lahat pakikinig sa karunungan ni Tito Frank. Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan nang imbitahan tayo ng mag-asawang Jose na dumalaw sa kanilang bahay sa Jersey Street, Toro Hills Subdivision, Project 8, Quezon City.
Ilang ulit na nating naitanong kung nasaan at paanong pumunta sa kanilang tahanan, ngunit hindi tayo natutuloy na dumalaw. Subalit, marunong sa lahat ang Diyos. Noong ika-8 ng Hunyo noong isang taon, nadestino tayo sa parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Jersey Street, Toro Hills Subdivision, Project 8, Quezon City.
Hindi natin namalayan kung nasaan tayo hanggang sinabihan tayo ng parukyano na may mga kaibigan tayong nakatira sa palibot ng simbahan. Noon ding araw na iyon, sinamahan tayo ng naturang parukyano sa bahay nina Tito Frank at Tita Tessie. Napakasayang pagtatagpo ito. At muli na namang nagsimula ang kuwentuhan, meryenda at palitan ng ideya tungkol sa mga libro.
Hindi pa tayo nagtatagal bilang Kura-Paroko sa simbahan sa Jersey street nang nabanggit natin kay Tito Frank ang planong magtayo ng bookstore and café na nais nating ipangalan sa kanya.
“Nais kong tawagin itong Tito Frank’s Café o Tito Frank’s Corner o anumang magbibigay parangal sa inyo,” paliwanag ko kay Tito Frank. Hindi pumayag si Tito Frank na sumagot, “Don’t name it after me. Name it after Jose Rizal!”
Nang dumating angDisyembre, sunud-sunod ang paanyaya nina Tito Frank at Tita Tessie sa kanilang bahay. Ipinagdiwang namin ang ika-97 kaarawan ni Tito Frank noong unang linggo ng Disyembre. Makaraan ang ilang araw nang mabalitaang namatay ang kanilang anak na si Jojie sa Estados Unidos, malungkot at masakit man, nag-anyaya na naman ang mag-asawa na mananghalian sa kanila upang ipagdiwang ang buhay ng kanilang yumaong anak. At dumating na rin ang Simbang Gabi. At mula nang unang araw hanggang huli, aming inilunsad ang Café Jose sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo.
Wala pa ang bookstore at café – ngunit nailunsad na ang Café Jose. Napakahalaga nito dahil kamamatay lang ni Tito Frank noong Huebes, ika-6 ng Enero 2021. Napakasakit at napakalungkot ng pangyayaring ito.
Sa isang panayam ni Tito Frank, naitanong kung bakit mahalaga para sa kanya ang kasaysayan. Sagot ni Tito Frank, sagot ng ating National Artist for Literature, “Writers are important because they are keepers of memory. Without memory there is no nation.”
Tama. Baka kaya tayo ganito ay dahil sa paulit-ulit na pagkalimot natin sa kasaysayan.
Wala ka na Tito Frank, ngunit pangako, itutuloy natin ang kuwentuhan, meryendahan at walang sawang pagbabasa sa mga librong buhay at bumubuhay. Tara na sa Café Jose!





Comments