Mahalaga ba ang magkakaibang pananaw ng mga tao?
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 7, 2021
Napaisip tayo sa ebanghelyo noong Huwebes. Ito’y tungkol sa pagtuligsa kay HesuKristo ng mga pariseo sa kanyang pakikipag-usap sa mga “makasalanan”. Maalala natin ang pakikipag-usap Niya sa mga mangbubuwis at sa babaeng hindi maganda ang reputasyon. Sa mga mata ng mga pariseo, hindi Niya ito dapat ginagawa kung ayaw niyang madungisan ang Kanyang karangalan o kadakilaan bilang kinikilalang pinuno ng mga Hudyo.
Ganun na lang bantayan si HesuKristo ng mga pariseo sa bawat salita at gagawin Niya.
Wala silang ibang nais, kundi ang makita Siyang magkamali at matisod sa Kanyang mga sinasabi at ginagawa. Kaya’t ibinigay Niya ang talinghaga ng, “Isang tupang napawalay sa isang daan na hinanap ng may-ari nito.” Ganun na lang ang galak ng may-ari nang makita niya ang nawawalang tupa. Inimbitahan nito ang mga kaibigan at kapitbahay upang ipagdiwang ang pagbalik ng isang nawawalang tupa sa kawan ng isang daan.
(Lucas 15:1-10)
Makikita ang “nawawalang tupa” sa pananaw ng mga grupong nagtatalu-talo at ipinagtatanggol ang kani-kanyang pananaw. Ang unang uri ng grupo ay ang mga may magkaibang pananaw sa bakuna — ang pro-vaccine at anti-vaccine. Ang pangalawang uri naman ng grupo ay ang mga may kani-kanyang kandidato sa pagka-Pangulo ng Republika. Ayon sa mga pro-vaccine, kailangan at mahalaga sa panahon ngayon ang pagpapabakuna. Pero para naman sa mga anti-vaccine, may panganid ito at hindi pa sapat ang pag-aaral kaya mas pinipili nilang ‘wag muna magpabakuna. Tunay na magkakaiba ang ‘mindset’ ng bawat isa, may punto sila kaya’t may prebilehiyong magsalita.
Sa usapin naman ng pulitika, mayroong mga nabubuong. Bagama’t hati-hati at may kani-kanyang kandidato ang bawat mamamayan, magandang tingnan sa mas malalim na paraan na hindi ito tungkol sa kung sino ang mas magaling na kandidato o kung ano ang mas magandang proteksiyon laban sa pandemya.
Sa totoo lang maaaring tingnan ang talinghaga ng nawalang tupa sa kawan ng 100 bilang paanyayang tingnan hindi ang iba o ang labas, kundi tingnan ang sarili at ang loob. Napakaraming nangyayari ngayon na umaagaw sa ating atensiyon at buong pagkatao.
Kailangang matutuhan nating tumingin nang may ingat at lalim kung nais nating makita ang tunay na nangyayari at piliin ang tama at naaangkop.
Samantala, may isinulat si Anna Cristina Tuazon, noong isang araw tungkol sa kahalagahan ng pag-alala. Ang titulo ng kanyang sinulat ay “We must remember before we can move on”. O, kailangan nating makaalala bago tayo magpatuloy sa buhay. Hindi niya binanggit ang pulitika sa kanyang isinulat, ngunit malinaw ang kaugnayan nito sa kung paano nakalimot ang marami at magwalang-bahala ang iba pagdating sa kasaysayan.
Ang payo niya, kung ayaw nating maging biktima ng pag-ulit ng kasaysayan (history repeating itself) kailangan nating gawin ang apat na bagay. Una, kailangan nating umalala. Huwag kalimutan at ‘wag matakot sa nakaraan.
Pangalawa, matuto sa nakaraan. Patuloy na pag-aralan ang mga nangyari sa mga nagdaang panahon para hindi ito maulit. Pangatlo, panindigan ang ating mga higit na pinaniniwalaan at pinagpapahalagahan. At pang-apat, matutong tumugon hindi lamang mag-react. Ipinaliwanag ni Anna ang pagkakaiba ng pag-react at pagtugon. Ang reaksiyon ay biglaan, hindi nag-iisip at kadalasan pagkilos na bunga ng nakaraang karanasan (maaaring negatibo o trauma). Ang pagtugon ay ang mahinahon, iniisip at sinisinop na pagkilos. Maaari ring idagdag, pagkilos na bunga ng malalim na pagninilay at panalangin.
Hindi ba’t ang maaaring nawawalang tupa sa ating kalooban ay ang ating mismong kaluluwa na hindi na natin pinakikinggan at binibigyang kahalagahan? Maraming tanong na gumugulo at nagpapalabo ng ating isipan at kalooban. Magpapabakuna o hindi magpapabakuna? Sino ang dapat maging pangulo? Ngunit merong tanong na hindi dapat talikuran. Hawak pa ba natin o hawak pa ba tayo ng ating pinakamalalim na sarili, ng ating kaluluwa? O, tuluyan nang nawala at humiwalay ito sa kabuuan ng ating pagkatao? Hindi ba ito ang hinahanap ni HesuKristo sa bawat isa sa atin? Hindi ba ito rin ang dapat muna nating hanapin bago ang lahat?





Comments