top of page

Mahalaga ang pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon ng kanilang mga anak

  • BULGAR
  • Sep 8, 2022
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 8, 2022


Mahalaga ang papel at pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon at growth and development ng kanilang mga anak. Kaya sa ilalim ng bagong batas na ating iniakda, itatatag ng Republic Act No. 11908 o ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act ang naturang PES Program upang tulungan ang mga magulang at parent-substitutes na paigtingin ang kanilang kaalaman at kakayahan upang mas magampanan nila ang kanilang mga tungkulin pagdating sa edukasyon ng mga bata, lalo na sa gitna ng mga hamong dulot ng inobasyon, social media at pagbabago sa mga values.


Hinihikayat ng batas ang mga magulang at parent-substitutes na suportahan ang cognitive development ng kanilang mga anak, kabilang ang pagpapaigting sa kanilang kaalaman sa pagbasa, mathematics at science. Layunin din ng batas ang pagsugpo sa child abuse, bagay na magagawa sa pamamagitan ng mas pinaigting na kaalaman ng mga magulang pagdating sa mga risk factors at senyales ng pang-aabuso.


Inspirasyon ng batas ang Nanay-Teacher Program ng Lungsod ng Valenzuela. Ang programa ay ipinatupad sa tulong ng Synergeia Foundation at nagsimula bilang bahagi ng adbokasiya ng inyong lingkod sa edukasyon noong tayo ay alkalde pa lamang.


Ipatutupad ang PES Program sa bawat lungsod at munisipalidad sa pamamagitan ng kanilang social welfare and development offices at government units. Maghahanda ang mga opisyal ng iba't ibang lokal na pamahalaan ng taunang programa para sa mga nasasakupan nilang barangay at kailangang bigyang-prayoridad ang mga magulang at parent-substitutes na may mga anak na tinatawag na children at risk, children in conflict with the law, at mga batang nakaranas ng pang-aabuso. Bibigyan din ng prayoridad ang mga solo parents, adolescent parents, at kanilang mga magulang at mga parent-substitutes.


Maliban sa pagbibigay ng proteksyon sa mga bata laban sa pang-aabuso, kasama rin sa modules ng PES Program ang mga hamon ng pagiging magulang, tamang pag-uugali ng mga kabataan, maayos na kapaligiran para sa bata at ang pagpapanatili ng kaligtasan ng bata sa panahon ng kalamidad.


Sa pamamagitan ng Parent Effectiveness Service, matutulungan natin ang mga magulang na magampanan nang mahusay ang kanilang tungkulin sa kanilang mga anak. Ang mga magulang ang ating unang guro at nananatiling mahalaga ang kanilang papel sa edukasyon ng mga kabataan, kaya dapat natin silang tulungang maging epektibo sa kanilang papel.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page