top of page

Mahabagin at abogado, dapat ang sunod na pangulo – P-Du30

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 13, 2022
  • 2 min read

ni Lolet Abania | March 13, 2022



Isang mahabagin at mas mabuti na abogado, ang nais sana ni Pangulong Rodrigo Duterte na susunod na presidente ng Pilipinas.


Ito ang naging tugon ng Pangulo sa isang interview ni Pastor Apollo Quiboloy nitong Sabado, kung saan binanggit ni Pangulong Duterte, ang mga katangian na dapat hanapin ng mga Filipino voters na kanyang successor.


Nai-share din ng Chief Executive, kung paano na-develop ang compassion sa kanyang buhay nang dahil aniya ito sa yumao niyang ama, si Davao Governor Vicente Duterte, na nagpakita ng pagiging mahabagin sa mga taong kanyang pinaglingkuran.


“If there is somebody who would ask me on what it would be, sabihin ko, you must love the human being. Kailangan mahal mo talaga ang kapwa mo tao,” sabi ng Pangulo.


“Kasi kami nagbiru-biruan [noon], sabi ko ‘pag laki ko, congressman ako.’ Sabi ng tatay ko, ‘No, first of all, kailangan mahal mo ‘yung tao,’” dagdag niya.


Gayunman, nilinaw ni P-Duterte na ang kanyang compassion o pagkahabag ay maiksi lamang sa mga taong sangkot sa ilegal na droga.


“So, [he/she] must be compassionate. Pero extreme lang ako. Maawain ako pero pagka durugista ka? Anak ng… Umalis ka na lang diyan, barilin ko ‘yang it—,” ani Pangulo.


Nahaharap ang Duterte administration sa posibleng International Criminal Court (ICC) scrutiny hinggil sa tinatawag umanong crimes against humanity, na nagmula ito sa giyera kontra droga ng gobyerno.


Ang ICC probe, kung saan ipinagpaliban noong Nobyembre 2021, batay na rin sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas, ay nagdulot ng pagdami ng mga reklamo mula sa mga pamilya ng mga nasawi sa drug war, at sa human rights advocates.


Base sa records ng gobyerno, mahigit 6,000 drug suspects ang nasawi sa mga isinagawang anti-drug operations ng pulisya simula nang si Pangulong Duterte ay maluklok sa puwesto noong Hunyo 30, 2016.


Gayundin, sinabi ng Pangulo na mainam na ang susunod na lider ng bansa ay dapat na decisive o hindi mapag-alinlangan, habang iginiit niyang sana ay isang abogado ito.


“Hindi naman ako nagsabi it’s the best quality, but one of the good qualities of a president, sana abogado. Isang tingin mo lang maka-decide ka na kaagad, and the repercussions, alam mo na kung ano. Whatever kind of -- how would you say -- issue or -- alam mo na,” anang Pangulo.


Sina Vice President Leni Robredo at Jose Montemayor, Jr. lamang ang mga abogado mula sa 10 presidential candidates sa 2022 elections.


Ang panghuli, ayon sa Pangulo, dapat na makitaan ang kanyang successor ng tinatawag na good judge of character.


“You are able to delegate powers because you know their character,” sabi pa ng Punong Ehekutibo.


Matatandaan na nabanggit ni Pangulong Duterte, na nasa pagpapasya ng mga botante kung pipiliin nila ang isang Ilocano na mamumuno sa bansa matapos ang kanyang termino na ilang buwan na lamang ngayon.


Si presidential candidate Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang running mate ng anak ni Pangulong Duterte na si Sara ay mula sa Ilocos Norte.


Gayunman, sinabi ni P-Duterte na hindi niya ieendorso si Marcos bilang presidente sa darating na eleksyon, kahit pa ang kanyang anak ay running mate ni Bongbong.


Iginiit din ng Pangulo na mananatili siyang neutral hinggil sa naturang usapin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page