Magulong pag-iisip at makakalimutin, ‘di basehan sa pagkakaroon ng ‘unsound mind’
- BULGAR

- May 23, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 23, 2024

Dear Chief Acosta,
Nakapagtapos ako ng kursong Bachelor of Science in Forestry at dahil dito, naghahanda na ako ng mga kakailanganing dokumento para sa pagkuha ng licensure exam. May kaibigan ako na ayaw kumuha ng nasabing pagsusulit dahil ayon sa kanya, hindi naman din diumano siya makapagrerehistro kahit siya ay pumasa sapagkat magulo diumano ang kanyang pag-iisip dahil siya ay madalas nakakalimot. Tama ba siya? Salamat sa inyong kasagutan. – Casy
Dear Casy,
Sang-ayon sa Section 20 ng Republic Act (R.A.) No. 10690, o mas kilala sa tawag na “The Forestry Profession Act”, hindi dapat irehistro ng Professional Regulatory Board (PRC) ang mga taong pumasa sa licensure examination para sa pagiging isang registered forester, kung sila ay may sumusunod na mga kalagayan:
“SECTION 20. Refusal to Register. – The Board shall not register any successful examinee in the foresters licensure examination who has been:
(a) Convicted of an offense involving moral turpitude by a court of competent jurisdiction;
(b) Found guilty of immoral or dishonorable conduct by the Board;
(c) Summarily adjudged guilty for violation of the general instructions to examinees by the Board; and
(d) Declared of unsound mind by a court of competent jurisdiction.
In refusing such registration, the Board shall give the applicant a written statement setting forth the reasons therefor and shall file a copy thereof in its records.”
Ang PRC ang ahensya ng gobyerno na inaatasan ng batas upang mangasiwa sa pagpapatupad ng mga proseso at mga kuwalipikasyon para sa pagkuha ng licensure exam upang maging isang registered forester sa ating bansa. Kaugnay nito, ang PRC din ay inatasan ng batas, na huwag payagang marehistro ang sinumang pumasa sa licensure exam, kung taglay nila ang mga kondisyon na nakalahad sa Section 20 ng R.A. No. 10690.
Sa iyong nabanggit na sitwasyon, hindi tama nang sabihin ng iyong kaibigan na hindi siya papayagang irehistro ng PRC, kahit na siya ay pumasa sa licensure exam nang dahil lamang magulo ang kanyang isipan. Partikular na nakasaad sa batas na ang PRC ay hindi maaaring magrehistro ng sinumang pumasa sa nasabing pagsusulit kung siya ay madedeklarang “of unsound mind” ng isang “court of competent jurisdiction”.
Ang ating Kataas-taasang Hukuman o ang Korte Suprema ay nagsaad sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Lito Paña y Inandan (G.R. No. 214444, November 17, 2020) sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen, kung saan binigyang kahulugan ang kalagayan ng isang “insane person”, na: “An insane person ‘has an unsound mind or suffers from a mental disorder,’ but this Court admits that an insane person may have lucid intervals during which they may be held liable for criminal acts.”
Nasaad din ng Korte Suprema sa kasong Antonio Balatazar, et. al. vs. Lorenza Laxa (G. R. No. 174489, 11 April 2012) sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Mariano C. Del Castillo, na ang pagiging makakalimutin ay hindi basehan para sabihin na ang isang tao ay nasa estado ng pagkakaroon ng “unsound mind”. Ayon sa Korte Suprema: “We agree with the position of the CA that the state of being forgetful does not necessarily make a person mentally unsound so as to render him unfit to execute a Will. Forgetfulness is not equivalent to being of unsound mind.”
Dahil dito, ang pagsasabi lamang na ang isang tao ay mayroong magulong isipan o makakalimutin ay hindi sapat na dahilan upang hindi siya irehistro ng PRC bilang isang licensed forester matapos niyang ipasa ang licensure exam sapagkat wala pang competent court na humusga na siya ay nasa estado ng pagkakaroon ng “unsound mind.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments