Magulang ng mga pasaway na bagets, lagot!
ni Ryan Sison - @Boses | October 24, 2021
Patuloy sa paglabas ang publiko habang nananatili sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR).
Bata man o matanda, makikita na sa mga pasyalan at mall. At hindi lang ‘yan, kapansin-pansin ding hindi nasusunod ang ilang health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield, gayundin, nakakalimutan na ang social distancing.
Kaugnay nito, nagbigay-babala si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga magulang na sila ang mananagot kapag nasumpungang lumalabag sa ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19 ang mga menor-de-edad na anak.
Giit ng opisyal, ipatatawag nila ang mga ito at wa-warningan kaya dapat siguraduhin ng mga magulang ang kaligtasan ng kanilang mga anak na naglalaro at gumagala sa mga lansangan.
Dagdag pa nito, hindi umano dapat isinasama sa pamamasyal ang mga bata dahil nananatili ang banta ng virus at posibleng mahawaan ang mga menor-de-edad.
Matatandaang batay sa Metro Manila Council Resolution No. 21-24, pinapayagan lamang na makalabas ang mga menor-de-edad kung kasama ang kanilang mga magulang.
Bilang mga magulang, obligasyon nating siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga anak sa lahat ng oras.
Lalo pa ngayon na hindi maliit na populasyon pa lang ng mga menor-de-edad ang nababakunahan kontra COVID-19. Siguro naman, sapat na dahilan ito upang panatilihin ang pag-iingat.
Paalala sa mga magulang, malinaw ang mga dapat at hindi dapat gawin, kaya sana ay sapat ang mga paalala at babala sa ating mga kababayan. At kapag may nasampolan, pasensiyahan na lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments