Maguindanao, niyanig ng magnitude 5.8 na lindol
ni Lolet Abania | August 13, 2022

Niyanig ng magnitude 5.8 na lindol ang lalawigan ng Maguindanao ngayong Sabado ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa initial advisory ng Phivolcs, naramdaman ang tectonic na lindol ng Intensity 5 sa Cotabato City, Intensity 4 sa General Santos City, at Intensity 2 sa Davao at Kidapawan cities.
Ayon sa Phivolcs, ang Intensity 5 ay tinatawag na “strong shaking,” kung saan maraming indibidwal na natutulog ang nagising habang malakas na pag-uga naman ang naramdaman sa buong gusali.
Kabilang sa naitalang Instrumental Intensities ang mga sumusunod na lugar:
Intensity III- Zamboanga City
Intensity II- Kidapawan City
Intensity I- Davao City
Batay sa Phivolcs, alas-2:25 ng hapon naitala ang lindol na nasa layong 11 kilometro hilagang kanluran ng bayan ng South Upi sa Maguindanao.
Babala ng state seismologists, bagama’t walang pinsala sa mga istruktura ng pagyanig, posibleng magkaroon ng mga aftershocks.
Samantala, dalawang oras bago ang lindol sa Maguindanao, isang magnitude 5.1 na lindol ang tumama sa baybayin ng Antique province habang naramdaman ang Intensity 4 sa mga bayan sa lugar.
Nitong umaga, isang magnitude 4.4 na lindol din ang yumanig naman sa lalawigan ng Leyte.





Comments