Magtagumpay sana ang pag-aaral ng mga anti-COVID drugs
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 21, 2021
Magandang balita ang inanunsiyo kamakailan ng higanteng pharmaceutical firm na Pfizer na magkakaroon ng generic version ang kanilang prospective na antiviral COVID-19 pill.
Pumasok sa kasunduan ang kompanya at ang Medicines Patent Pool (MPP) upang mabigyan ng pagkakataon ang generic drug manufacturers na makapag-supply ng Paxlovid pill ng Pfizer sa 95 low-and middle-income nations na bumubuo ng 53 percent ng populasyon ng mundo.
Ang MPP, na nakabase sa Geneva, Switzerland ay isang United Nations-backed international organization na naglalayong mapadali ang development ng mga gamot para sa mga low-and middle-income nations.
Sa ilalim ng kasunduan, hindi kukuha ng royalties ang Pfizer, kung kaya’t mapapababa ang treatment cost.
Ngunit nakadepende ito sa pagpasa ng pill ng Pfizer sa ongoing nitong trials at pag-apruba rito ng mga kinauukulan.
Kasabay na iinumin ang Paxlovid ang HIV medicine na ritonavir.
☻☻☻
Ayon sa interim data mula sa ongoing trials ng Pfizer pill, nagpakita ito ng 89 percent reduction sa risk ng COVID-19 hospitalization o kamatayan kompara sa placebo, sa mga non-hospitalized high-risk adults na may COVID-19 sa loob ng tatlong araw simula ng pagkakaroon ng sintomas.
Parehong resulta rin ang nakita sa loob ng limang araw simula ng pagkakaroon ng sintomas, ayon sa ulat ng Pfizer.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Pfizer upang mabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Estados Unidos ang kanilang pill.
☻☻☻
Magandang pagkakataon ang pill version ang mga anti-COVID drugs dahil mas madali ang logistics nito, dahil hindi na kailangan ng espesyal na freezer o cold chain storage kung kaya’t mas madali itong makararating sa mga tao.
Hinihimok natin ang ating mga kinauukulan sa pambansang pamahalaan at pribadong sektor na makipag-ugnayan na sa lalong madaling panahon sa kanilang international counterparts para sa pagkuha ng lisensiya galing sa Pfizer at iba pang kinakailangang hakbang.
Umaasa tayong susuportahan ang hakbang na ito ng iba pang ahensiya ng gobyerno.
Tayo rin ay nananalangin na sana ay maging matagumpay ang pag-aaral sa pill na ito at iba pang anti-COVID drugs upang mapabilis ang ating pagbangon mula sa epekto ng pandemya.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments