Magsayo, bagong WBC Featherweight Champ
- BULGAR
- Jan 24, 2022
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | January 24, 2022

Natupad na ang pinapangarap ni Mark “Magnifico” Magsayo – ang tanghaling World Champion – matapos maisukbit sa baywang ang WBC Featherweight title at tapusin ang matagal na paghahari sa titulo ni Gary Russel Jr, kahapon sa bisa ng majority decision sa main event bout sa Borgata Hotel Casino and Spa sa Atlantic City sa New Jersey sa U.S.
Nanatiling walang talo at nasungkit ng 26-anyos mula Tagbilaran, Bohol na si Magsayo (24-0, 16KOs) ang titulong matagal nang inaasam-asam maging ang ikalimang Filipinong kasalukuyang kampeon at maging tulad ng iniidolong si eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao.
Sa bisa ng scores na 115-113 nina judges Mark Consentino at Henry Grant at ni Lynne Carter ang tablang 114-114 nakamit ni Magsayo ang tagumpay. “This is my dream come true since I was a kid. I’m so proud that I’m a champion now,” pahayag ni Magsayo sa post-fight interview at sumunod sa yapak nina long-time IBF super-flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas, 4-division World titlist at WBC bantamweight title holder “The Filipino Flash” Nonito Donaire, WBO 118-pound kingpin “Quadro Alas” John Riel Casimero at IBF minimumweight champion Rene Mark “Mighty Mouse” Cuarto.
Bumigay sa 3rd round ang kanang braso ng 33-anyos na American boxer mula Maryland na si Russel (31-2, 18KOs), kung kaya’t sumagupa na ito sa nalalabing 9 na tanging kaliwa lang ang gamit na pansuntok, ngunit, ipinamalas pa rin ang mahusay, tumpak, at mautak na paggamit ng southpaw na sinabayan ng maliksing galaw upang makaiwas sa mga patama ng Filipino champion.
Dahil sa injury ni Russel, na muling nagbalik sapol noong 2011, sinabi nitong iniinda na niya ito ng dalawang linggo bago ang laban, pero hindi idinetalye.
“I hit him in the third round with good shots, that’s when he got hurt. We took advantage of his right shoulder injury because his using only one hand,” wika ni Magsayo na pinayuhan siya ni Hall of Fame coach/trainer Freddie Roach na bumitaw pa ng mga kombinasyon.
“The jabs change the complexion of the fight. Coach told me to just make good combinations and follow through on my punches,” dagdag ni Magsayo na kumulekta ng 203 jabs, kumpara sa 64 lamang ni Russel na tumigil na sa pagbitaw ng jabs sa round 6, habang may 140-of-340 power punches kumpara sa 58-of-259 ni Russel.
“I refused to put this fight back and I fought with one arm,” saad ni Russel na naputol ang halos 6 yrs at 10 months na paghahari sa titulo bilang longest champion kasunod ng matagumpay na limang title defense sapul nang mapanalunan ang titulo noong Marso 28, 2015 kay Jhonny Gonzalez. “He had his hands full with a fighter with one arm the whole fight. I gave him a boxing lesson.”
Hindi naman masiguro kung magkakaroon ng rematch ang dalawang fighter, kung saan umaasa rin si Russel na mabibigyan siya ng isa pang laban ni Magsayo sa hinaharap.





Comments