top of page
Search
BULGAR

Magparehistro na para sa mas murang kuryente

ni Ryan Sison @Boses | January 4, 2024


Umabot sa halos 200K na mga low income na Pilipino ang nagparehistro sa electricity lifeline rate program ng gobyerno, na nagsimulang ipatupad nitong Lunes, Enero 1, 2024.


Batay sa Department of Energy (DOE), nasa 191,399 na mabababang kita na mga kababayan ang nag-register, mula ito sa isang maliit na bahagi ng target na 4 milyong potensyal na benepisyaryo ng programa.


Sa ilalim ng electricity lifeline rate program, ang mga electric consumer na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno, gayundin ang mga may kita o income na mas mababa sa poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay eligible para sa mga diskwento sa kanilang monthly electric bill.  


Sa isang panayam kay Luningning Baltazar, director ng Electric Power Industry Management Bureau ng DOE, binanggit nitong kinakailangan lamang ng mga benepisyaryo na magparehistro muna upang makakuha ng mga diskwento.


Sinabi naman ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, sa ngayon mababa ang turnout ng registration dahil maaaring ang mga 4Ps beneficiary ay wala ang ilan sa mga dokumento na kinakailangan ng programa. 


Paliwanag ni Zaldarriaga, may application form na ibibigay sa kanila para i-fill up ito.


Kasunod ay kung ano ang latest bill nila, at ang pangatlo, dapat may government ID at certification na miyembro sila ng 4Ps o certification na sila ay marginalized sector.


Binigyang-diin naman ni Baltazar na ang ibang pamilya kasi ay walang indibidwal na metro dahil maraming magkakapamilya ang karaniwang nakatira sa iisang bubong, o sadyang hindi alam ang umiiral na programa.


Ayon kay Baltazar, ang iba naman ay naliliitan sa threshold, isang halimbawa sa mga area sa Visayas na nasa 25 kilowatt-hour (kWh) lang ang threshold at karaniwan na maaaring lumalagpas ito sa kanilang konsumo, kaya minabuti nilang huwag nang mag-register. Gayunman aniya, hinihikayat pa rin nila ang mga ito na magparehistro dahil sa pag-aaralan pa rin naman nila ito kung ano ang nararapat na threshold.


Pahayag pa ng DOE official na walang deadline para sa pagpaparehistro sa lifeline rate program, habang iyon lamang 191,399 na mga konsyumer na nagpa-register ang makakatanggap ng mga diskwento ngayong Enero.


Malaking tulong para sa ating mga mahihirap na kababayan na mabigyan ng buwanang diskwento sa kanilang electric bill. 


Mababawasan na ang kanilang magiging bayarin sa singil sa kuryente na puwede naman nilang ilaan sa ibang gastusin.


Kumbaga, makakapag-budget sila nang husto para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.


Payo natin sa mga kababayan na samantalahin sana ang programang ito ng gobyerno lalo na’t wala namang deadline na ipinapatupad. Isipin din natin na malaking katipiran ito sa gastusin buwan-buwan, kung saan makakatanggap ng discount sa kinokonsumo nating kuryente.

 

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page