Magpapatuloy ang paglalakbay, kahit ‘di matapus-tapos na problema

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | November 16, 2020
Napag-aralan natin sa kolehiyo ang Odyssey na isinulat ni Homer. Iisa si Odysseus (Griego) at Ulysses (Latin) sa istoryo. Hari ng Ithaca si Ulysses. Kilala siya sa kanyang talino at pagiging tuso. Kaya’t siya ay kilala bilang Odysseus — ang tuso.
Sa isang islang narating ni Odysseus ay dinakip sila ng mga cyclops, ang mga higanteng isa ang mata. Isa rito ay si Polyphemus, anak ni Poseidon, diyos ng dagat. Nabulag ni Odysseus si Polyphemus at nakatakas siya at ang kanyang mga kasama. Ikinagalit ito ni Poseidon kaya sila ay napilitang maglakay nang malayo at mahaba sa dagat habang humaharap sa sari-saring panganib. Ito ang ibig sabihin ng pangalan niyang Odysseus — ang Odyssey — mahaba, mapanganib ngunit nagpapalayang paglalakbay.
Samantala, noong Huwebes ng gabi, nadaanan natin ang Marcos Highway. Napakaraming sasakyang nakaparada sa daan mula sa simula ng Marcos Highway pagkatapos ng Katipunan. Marami sa mga sasakyan ay tumirik dahil pagkakababad ng mga ito sa baha. Pagdating namin sa bahagi ng Marcos Highway nasa isang kilometro ang layo sa Masinag, kapansin-pansin ang madilim na kapaligiran at ang putik at burak na nagkalat sa daan. Napakarami ring sasakyang nakaparada — marami ay walang drayber. Habang mabagal naming binabaybay ang naturang highway, napansin namin ang unti-unting paglalim ng tubig sa daan. Maraming sasakyan ang tumigil at nag-atubiling magpatuloy dahil sa hindi tiyak na lalim ng tubig. Subalit merong ilang nagbabakasakali at isa na kami, na kakayaning suungin ang baha at malampasan ito.
Madilim, mabagal, nakakakaba ang paglalakbay dahil sa dami ng sasakyang nakaparada at mga taong naglalakad sa dilim. Pawang munting Odyssey ang karanasang ito. At baka kailangan nating seryosohin ang kahulugan ng Bagyong Ulysses na sa Griego ay Odysseus.
Sa sampung taong paglalakbay ni “Ulysses” narating nito ang napakaraming mahiwaga at kakaibang lugar. Naharap at natagumpayan nito ang mabibigat at nakamamatay na panganib, tulad ng mga sumusunod: napadpad siya sa isla ng mga kumakain ng lotus na kinain ng kanyang mga kasama at nawalan ang mga ito ng ganang umuwi; ang laban kay Polyphemus, ang cyclop na higanteng isa ang mata; ang bagyong padala ni Poseidon; ang paghaharap sa aswang; ang nakabibighaning awit ng mga sirena; ang pagdaan sa pagitan nina Scylla at Charybdis; at marami pang iba.
Naglalakbay tayong lahat sa bawat araw, oras at sandali ng ating buhay. Maraming nagsisikap unawain ang direksiyon, kahulugan at kabuluhan ng kanyang paglalakbay. Ngunit, marami ring hindi pinahahalagahan ang kanyang paglalakbay. Magkasunod ang dagok ng Bagyong Rolly at Ulysses. Hindi pa nakababangon ang mga sinalanta ni “Rolly”, heto na naman si Ulysses. Hindi pa tayo nakababangon sa pandemya, tuluy-tuloy pa rin ang patayan.
Tuluy-tuloy ang ating “Odyssey”, ang ating “Ulysses” — ang ating paglalakbay. Naalala natin ang motto ng mga senior citizens ng dating parokyang pinaglilingkuran natin, ang Our Lady of the Miraculous Medal sa Project 4. Magandang pagnilayan ng lahat, pagkatapos ng dalawang matinding bagyo, samantalang tuloy pa rin ang pandemya at ang karahasan… ang hamon at kabuluhan ng motto nila:
Mga elderly ng Our Lady of the Miraculous Medal, palaging sumusulong, hindi umuurong.





Comments