Magpa-pasko na, benefits ng health workers, nganga pa rin?!
@Editorial | December 15, 2022
Ilang tulog na lang magpa-Pasko na pero ang mga health workers, halos hindi makatulog sa kaiisip kung kailan kaya matatanggap ang pangakong benepisyo.
Ayon sa grupo ng mga health workers, umaasa pa rin sila na bago ang Pasko ay maibibigay na ang naturang mga benepisyo. Ang problema, tila wala umanong paramdam ang gobyerno.
Kahit nga raw kalahati sana ng mga benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2, tulad ng Special Risk Allowance (SRA), One COVID Allowance (OCA) at Health Emergency Allowance (HEA) ay maibigay bago magpalit ng taon.
Kahit papaano, mapapasaya ang mga health workers at ang kanilang pamilya sa gitna ng non-stop na taas-presyo ng mga bilihin.
Ngayong araw, nakatakdang magsagawa ng malawakang mobilisasyon ang mga health workers mula sa pribado at pampublikong ospital. Ito ay para kalampagin ang gobyerno sa pag-asang madinig na ang matagal na nilang hinaing.
Huwag namang pahirapan ang mga health workers na nagbuwis ng buhay para sa taumbayan. Hindi matutumbasan ng anumang halaga ang kanilang mga sakripisyo pero, huwag naman nating balewalain ang katotohanan na maging sila ay nangangailangan din at may pamilyang sinusuporatahan.



Comments