Magkakapatid kay Aljur… KYLIE, ENJOY PANOORIN ANG BONDING NG MGA ANAK NILA NI AJ
- BULGAR

- 5 hours ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | November 25, 2025

Photo: File / Kylie Padilla
“Sarap panoorin,” ito ang komento ng mahusay na aktres na may pusong mapagparaya na si Kylie Padilla sa post ng aktres na si AJ Raval.
Nagbahagi si AJ Raval sa kanyang Instagram (IG) account ng video clip kung saan makikita na naglalaro ang magkakapatid na sina Alas, Axl at ang anak ni AJ na si Aikina.
Mababakas sa mukha ng magkakapatid na masaya sila na magkakasama habang naglalaro at mahal na mahal nila ang isa’t isa.
Saad ni AJ sa post niya, “She’s growing up with kuyas (mga anak ni Kylie) who adore her... and that’s a blessing I’ll forever be grateful for.”
Bukod sa komento ni Kylie ay pinusuan niya rin ang post ni AJ.
Maraming netizens ang pinusuan ang post ni AJ at humanga kay Kylie.
Komento ng isang netizen, “Mga anak ni Aljur Abrenica, mga pogi at maganda.”
Korek ka d’yan, ateng! Ang guwapo at ang ganda ng mga anak ni Aljur Abrenica at mababait na mga bata.
THIS is it pansit. Ito na ang hinihintay ng mga tagahanga ng aktor-TV host ng Rainbow Rumble (RR) na si Luis Manzano.
Sa social media post ng anak ng Star for All Seasons na si Vilma Santos na si Luis ay nagbahagi siya ng video clip kung saan makikita na nagpahayag siya ng latest update tungkol sa pakikipag-usap niya sa management ng ABS-CBN.
Kuwento niya, “‘Yun lang, katatapos lang ng meeting namin sa ABS-CBN. Mukhang matutuloy na ang teleserye na sinasabi nga natin kung saan mga kapatid ko... si Piolo (Pascual), si Joshua (Garcia), si Paulo (Avelino) at saka si Donny Pangilinan. Medyo nagkaayos na kami sa mga talent fee (TF), ‘yun na lang ‘yung naging issue.
“Si Piolo kasi, kada show P2,500. Si Joshua naman, ang sabi lang ni Joshua, basta may pagkain sa set okay lang. Kahit libre na ‘yung taping basta may pagkain. Si Donny, nasa P1,800 yata kada teleserye. Tapos si Paulo Avelino nasa... P1,600 yata.
“Eh, ako, ang bayad kasi sa akin ay P10 million kada linya. Kada linya pa lang, ha? So, okay naman sa management ‘yung budget na ‘yun at saka ‘yung TF.
“Pero ang update po, eh, nag-message sa akin si Alden Richards, alas-tres nang umaga. Sabi niya, ‘Can I call you Kuya Lu (Luis)?’ ‘Yun ang sabi ni Alden.
“Sabi ko, ‘Bro, tawag ka.’ So umiiyak s’ya sa akin. Sabi n’ya, ‘Kuya Lu, nabalitaan ko may project ka na maganda, so baka puwedeng makasama sa project mo. ‘Yung teleserye na ipo-produce ko. Umiiyak s’ya nang alas-tres, sabi niya, ‘Kuya Lu, sana makasama ‘ko sa project.’
“Sabi ko, ‘Alden kung gusto mo ikaw ang mag-stand double ko. ‘Yung kailangan mahulog sa bangin ‘yung character ko o mahulog sa building, puwede ka. Pero hindi ko maipapangako sa ‘yo kung makikita ‘yung mukha mo, baka kahit likod na lang.
“Okay naman s’ya. Haping-happy naman s’ya. Natuwa nga ako kay Alden, parang feeling ko, may puwang talaga sa industriya ‘yung batang ‘yun. Sisikat ‘yun. Kaya update lang po sa pinakabagong teleseryeng kaganapan. Ang magiging title po ay ‘Lucky and Friends.’ ‘Yun po ang magiging title ng teleserye kaya sana suportahan ninyo.”
Wow! Bilib talaga si yours truly kay Luis, P10 million kada linya ang TF!
In fairness, napakagaling ng daddy dearest ni Baby Peanut na gumawa ng kuwento na ikasasaya talaga ng manonood.
At sure si yours truly na may part 3 pa ang kuwento ni Luis Manzano, kaya abangan ang susunod na kabanata.
PERSONAL greetings lang po. Congrats to the newly licensed pharmacist of the Philippines:
Maria Elmina, Samantha A. Layague, Jamil S. Calinao, Kaye B. Andres, Phobie Kate S. Ogsimer, Devine Grace B. Mejos, Sophia Gwyneth O. Quidilig, Pauline Jane P. Nunag, at Bea Allyzandra F. Factor.
‘Yun lang, and I thank you.








Comments